• March 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Naging emosyonal sina Vice Ganda at Eugene: CHARO at DINGDONG, pinupuri sa mahusay na pagganap sa ‘Only We Know’

UMANI ng papuri mula sa Kapamilya stars, kilalang mga direktor, entertainment media at bloggers sa advanced screening ng movie nina Charo Santos at Dingdong Dantes na “Only We Know”.

Bumuhos ang magagandang salita para sa nakakakilig na pelikula, partikular na rito ang nakakaantig na mensahe tungkol sa dalawang taong nagmamahalan, ang magandang pagkalapat ng musika sa bawat eksena, pati na rin ang husay sa pagganap nina Charo at Dingdong para sa una nilang tambalan.
Naging emosyonal nga sina Vice Ganda at Eugene Domingo pagkatapos itong mapanood at itinawag itong “beautiful story.”
“Nakakatuwa, masaya, then eventually malungkot na ako. Ang dami kong na-realize and it made me cry,” sabi ni Vice.
Dagdag ni Eugene, “Napakaganda niyang pelikula. This film will really stay long in our minds and in our memories because you know the people in this film.”
Pinangunahan naman ni Mae Cruz-Alviar ang papuri ng mga direktor para sa galing ng pagkalatag ng kwentong pampag-ibig at sinabing, “The beauty is in its simplicity.”
Para naman sa entertainment editor ng The Philippine Star na si Nathalie Tomada, pinuri niya ang ‘di pangkaraniwan ngunit matapang na tema ng pelikula at inaasahan niyang tatatak ito sa puso ng mga manonood. Ibinahagi rin ng entertainment at lifestyle journalist ng Philippine Daily Inquirer na si Marinel Cruz sa isang social media post na natuwa siya sa nakakaintrigang relasyon nina Charo at Dingdong sa pelikula, lalo na at umuusbong daw ang kilig sa pagitan ng dalawa.
Ayon naman sa sikat na entertainment blog na LionHeartTV.net, isa itong “love letter to healing and second chances” at tumagos daw sa mga eksena ang bawat iyak, tawa, at nakakakilig na sulyap ng mga karakter.
Ang “Only We Know” ay iikot sa espesyal na relasyon sa pagitan nina Betty (Charo) at Ryan (Dingdong), na sa kabila ng kani-kanilang mga poot sa buhay, muling titibok ang kanilang mga puso dahil sa isa’t isa.
Mula ito sa panunulat at direksyon ni Irene Emma Villamor, mapapanood na sa mga sinehan sa iba’t ibang parte ng mundo simula sa Pilipinas ngayong Hunyo 11.
Magiging available rin ito sa Australia, New Zealand, USA, Canada, Guam, UAE, Singapore, Malaysia, Brunei, Oman, Qatar, Kuwait, Bahrain, Hong Kong, at Macau.
Makakasama rin sina Charo at Dingdong sa special screenings at meet and greet sa Canada (Hunyo 20 at 21) sa Cineplex Scarborough Town Centre at sa United States (Hunyo 22) sa Cinemark Carson. Magiging available ang tickets sa mytfc.com.
(REGGEE BONOAN)