DICT, isasama ang NCAP sa eGov app
- Published on June 6, 2025
- by @peoplesbalita
SA LALONG madaling panahon ay makikita at mase-settle na ng mga motorista ang kanilang traffic violations sa pamamagitan ng eGov PH super app ng gobyerno.Ito’y dahil sa magiging hakbang ng Department of Information and Communications Technology (DICT) na isama na ang ‘no contact apprehension policy (NCAP) system’ sa kanila.
“Nag-meeting na po kami sa MMDA, so mare-receive mo na po yung mga penalties mo sa eGov app,” ang sinabi ni DICT Undersecretary David Almirol Jr. sa press briefing sa Malakanyang matapos makipagpulong sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“Kapag natapos po ‘yung integration, ang ganda po nito, makikita niyo ‘yung mga violations niyo. At kahit nasa bahay kayo, puwede na isettle ‘yung penalties,” aniya pa rin.
Pinahintulutan kasi ng NCAP ang MMDA na mag-record, repaso at at mag-validate ng traffic violations sa pamamagitan ng CCTV cameras.
Ito’y ipinatutupad sa kahabaan ng EDSA, Commonwealth Avenue, Quezon Avenue, Roxas Boulevard, at Taft Avenue.
Ang pagsama ng DICT sa NCAP ay bahagi ng pinalawak na pagsisikap ng DICT para makapaghatid ng mas maraming government services sa isang ‘single digital platform.’
Sinabi ni Almirol na halos 1,000 government systems ang nakakabit sa eGov PH app.
Kabilang na rito ang mga serbisyo na may kinalaman sa digital identification, tourism, travel, at benepisyo mula sa mga ahensiya gaya ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Government Service Insurance System (GSIS).
Samantala, itinutulak naman ni Pangulong Ferdinand Marcos R. Jr. na gawing simple ang public services sa pamamagitan ng digital transformation.
( Daris Jose)