• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 Pinoy, nasabat sa pekeng departure stamp

NASABAT ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) sa pakikipagtulungan ng National Bureau of Investigation Airport International Airport Investigation Division (NAIA-IAID) ang isang 32-anyos na babae nang tinangka nitong sumakay ng Cebu Pacific biyeheng Thailand sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 gamit ang isang pekeng departure stamp.
Nang usisain, sinabi nito na kumpleto na ang kanyang immigration departure clearance at dagdag pa nito na siya ang returning Customer Service Representative (CSR) sa isang offshore gaming company sa Thailand.
Pero pinigil siya ng mga Immigration officers nang napansin na kaduda-duda ang kanyang departure stamp at napatunayan ito ng Document forensic analysis ng BI na peke.
Sinabi rin nito na umano’y may nakilala siya sa loob ng NAIA, na kumuha sa kanyang passport at nang ibalik ay may stamp na ito.
Siya ay nasa kustodiya ng inter-agency council against trafficking (IACAT) para imbestigahan at nahaharap sa kasong paglabag sa Revised Penal Code for falsification (Article 172) and usurpation of authority (Article 177), gayundin ang paglabag sa Republic Act No. 11862, o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.
Samantala isa pang 31-anyos na Filipino ang nasabat matapos nagtangkang sumakay ng Jetstar biyaheng Singapore na pekeng stamp sa kanyang pasaporte.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na hindi makakalusot sa mga immigration officers ang nagta-tamper ng kanilang pasaporte.
“Our personnel remain vigilant and prepared to stop these crimes, protecting our borders from exploitation,” ayon kay Viado.
(Gene Adsuara)