• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Inaming galing sa kanyang opisina ang pinaiikot na letter… Draft Senate reso sa pagbasura ng impeachment case kay VP Sara galing kay Sen. Bato

KINUMPIRMA ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa na galing sa kanyang opisina ang pinaiikot na kopya ng draft Senate resolution upang ipabasura ang impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay dela Rosa, siya ang nag-initiate o nagpasimula ng naturang resolusyon.
Kinumpirma rin ng senador na mayroon nang mga senador ang sumusuporta sa resolusyon ngunit hindi na isiniwalat pa kung ilan na ang bilang.
Sa ngayon hindi pa matukoy ni dela Rosa kung kailan niya ihahain ang naturang resolusyon dahil susuruin pa raw niya ito.
Samantala, nakatanggap naman si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ng pisikal na kopya ng draft Senate resolution na layong i-dismiss ang impeachment case laban kay Duterte.
Sa panayam, sinabi ni Estrada, noong Lunes pa kumakalat ang naturang resolusyon.
Paglilinaw naman ng senador na hindi pinapipirmahan sa kanya ang resolusyon kundi pinababasa lamang ngunit pag-iisipan niya raw nang mabuti kung pipirma siya rito. (Daris Jose)