• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, DOTr pinasinayaan ang bagong PUV Stops sa Malabon

PINASINAYAAN ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), ang bagong itinayong modernong Public Utility Vehicle (PUV) Stops sa Malabon National High School sa Barangay Hulong Duhat.
Pinangunahan ni Mayor Jeannie Sandoval ang ribbon-cutting ceremony, kasama si DOTr Undersecretary for Road Transportation and Infrastructure Atty. Mark Steven C. Pastor, DPWH Assistant Regional Director Engr. Montrexis Tamayo, LTFRB Representative Atty. Jocelyn V. Tataro, at Move as One Coalition Co-Convener for Inclusion and Accessibility, Ms. Maureen Ava Mata.
Nagtatampok ang proyekto ng PWD-friendly ramps, benches, accessibility at information panels, PUV route maps, concrete bollards, tactile pavers, lighting system, at CCTV camera.
Layunin nitong pahusayin ang kahusayan at kaligtasan ng pampublikong transportasyon sa mga estratehikong lokasyon sa buong Metro Manila, alinsunod sa mas malawak na layunin ng DOTr na isulong ang kadaliang kumilos at accessibility para sa lahat ng commuters, alo na ang mga senior citizen, buntis, PWDs, at mga estudyante.
Ang mga PUV stop ay nilagyan din ng charging stations, solar panels, bike repair station, at bike route map para matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga commuter at cyclists.
Ayon sa DOTr, anim na makabagong PUV stop ang itinayo sa iba’t ibang bahagi ng National Capital Region, kung saan ang dalawa ay matatagpuan sa Malabon, partikular sa Barangay Hulong Duhat at Longos.
Nagpasalamat si Mayor Jeannie sa DOTr sa pagpili sa Malabon bilang isa sa mga pilot site ng proyekto. Hinikayat din niya ang mga Malabueño, lalo na ang mga commuter, na maging responsable at mapagbantay upang matiyak ang kanilang sariling kaligtasan sa pagsakay sa mga PUV at pagtawid sa mga kalsada.
“Hindi lang po ito simpleng waiting shed — ito po ay simbolo ng modernong pagbabago sa ating lungsod. May mga CCTV, may lighting system, may tactile pavers para sa ating mga may kapansanan, at may mga bike-friendly features tulad ng charging stations at bike repair stations. Dito po natin nakikita ang commitment ng gobyerno na gawing inclusive at sustainable ang ating transport system,” pahayag niya. (Richard Mesa)