• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DOH: Lockdown ‘di kailangan sa Mpox

NILINAW ng Department of Health (DOH) na walang batayan para magpatupad ng lockdown dahil ang Mpox ay hindi isang airborne disease.
Inihayag ito ng DOH bunsod ng kumakalat na fake news sa social ­media hinggil sa pagtaas ng bilang ng Mpox kaya magpapatupad na naman ng lockdown.
Binigyang-diin ng ahensya na ang mga napapaulat na mga kaso ng Mpox related ay dahil aktibo sa pag-aanunsyo ang mga local government units (LGUs) subalit hindi matatawag na major outbreak.
“Mas marami pang Mpox nung 2024. Mas marami ring naitala nung Abril kaysa ngayong Mayo 2025. Nagkataon lamang na naghe-headline dahil aktibo at nag-aanunsyo na ngayon ang mga LGU,” ayon sa DOH.
Kinumpirma ni ­Domingo na mahigit sa 50 kaso ang naitala noong Abril 2025, na mas mababa ­naman sa 50 na nakumpirma sa buwan ng Mayo.
Simula 2024, umabot sa 911 ang naitalang Mpox cases sa bansa.
“Tinitingnan namin ang epidemic curve. Hindi kami tumitingin sa ­total. Kapag tumingin kasi sa total, ang impression parang dami-dami nang kaso,” ani Domingo sa panayam ng Super Radyo DZBB.
Inihalimbawa niya na noong Setyembre 2024, mahigit 200 kaso ang iniulat na posibleng Mpox, subalit lumabas na halos kaso pala ng chickenpox matapos makumpirmang mas mababa pa sa 20 ang Mpox cases.