• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DILG most wanted sa kasong rape, nadakma sa Caloocan

HIMAS-REHAS ang isang lalaki na wanted sa kasong rape at acts of lasciviousness nang matunton ng tumutugis na mga pulis sa kanyang tinutuluyang bahay sa Caloocan City.
          Sa ulat ni Northern Police District (NPD) Chief Public Information Office P/Capt. Marcelina Pino, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng District Special Operations Unit (DSOU) hinggil sa kinaroroonan ng 44-anyos na akusado na listed bilang Most Wanted Person sa Department of the Interior and Local Government (DILG), na may reward na P130,000..
          Nakatala din siya bilang No. 2 TMWP sa NPD at No. 3 TMWP sa Caloocan police dahil sa kasong Rape at Acts of Lasciviousness in relation to Section 5(B) of R.A 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination
Act.
          Sa koordinasyon sa National Capital Region Intelligence Team – Regional Intelligence Unit NCR (NDIT-RIU NCR) at Warrant and Subpoena Section ng Caloocan City Police Station, ikinasa ng DSOU-NPD ang pagtugis sa akusado na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya sa kanyang tinutuluyang bahay sa Brgy. 178 dakong alas-2:00 ng hapon.
          Ang akusado dinakip sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ng Caloocan City Family Court Branch 1, noong June 7, 2022.
Pinuri naman ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng NPD ang pagsisikap ng mga tauhan ng DSOU para sa kanilang pagtutulungan sa pagdadala ng isa pang wanted person sa hustisya, na muling pinagtitibay ang dedikasyon ng NPD sa pagprotekta sa publiko. (Richard Mesa)