• June 15, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Tuloy ang pagsasampa ng cyber libel complaint: Sen. BONG, may madamdaming mensahe kay Cong. LANI sa kanilang 39th anniversary

NAKATAKDA ngang magsampa ng cyber libel complaint ang outgoing senator at aktor na si Ramon “Bong” Revilla Jr. laban sa ilang indibidwal at grupo na umano’y responsable sa pagpapakalat ng fake news sa social media na sinasabi niyang nakasira sa kanyang reputasyon at nakaapekto sa kanyang performance noong 2025 midterm elections.

Ayon sa balita, ang legal counsel ni Sen. Revilla na si Atty. Raymond Fortun, kinumpirma nitong Lunes, Mayo 26 na naghahanda ang senador na magsagawa ng legal na aksyon laban sa lima hanggang sampung indibidwal, na ang ilan ay mga personalidad sa social media at mga blogger na pinaniniwalaang nagtatago sa likod ng kanilang mga pseudonyms.

Malinaw na malinaw kasi na naging biktima siya ng fake news.

“Kailangan sigurong mag-file talaga ng case against those people na dapat managot dito. Dahil hindi naman natin pupuwedeng lokohin ang taongbayan,” ayon sa statement ni Sen. Bong.

Dagdag pa niya na kahit pinaghihinalaan na sila sa ginawang malawakang paninira, “kailangan muna ma-trace natin mabuti. Mahirap kasi mag-speculate, ayokong magbintang, ayoko nang manisi.”

“Pero kung sino man yung gumawa niyan at nagpakalat ng fake news, dapat managot sila,” seryoso pa ng isa mga nangungunang senador sa mga nakaraang halalan.

Pero ngayon ay hindi siya pinalad dahil na ika-14 na puwesto, na ikinagulat talaga ng marami, kasama ang buong angkan ng Revilla.

Samantala, noong May 28, nagkaroon ng simpleng selebrasyon sina Sen. Bong at asawa na si Congresswoman Lani Mercado-Revilla.

Nagbahagi ang aktor ng madamdaming mensahe na pinakamamahal na asawa.

“Happy 39th Wedding Anniversary sa aking pinakamamahal na kabiyak at katuwang sa buhay, Mama Lani M. Revilla!

“Alam n’yo ba anong sikreto bakit kami tumagal nang halos apat na dekada ni Cong.  Lani? Simple lang: pagmamahal, tiwala, pag-unawa, at patuloy na nagpapakita ng suporta sa isa’t isa, kasama na ang gabay ng Poong Maykapal.

“Akalain mo yun, 39 years na tayo! Hindi ba’t ang haba at ang tibay na ng pasensya mo?  Joke lang, Mama!

“Kidding aside, nasabi ko na yata sa ‘yo lahat pero sasabihin ko ulit sa’yo kahit paulit ulit na MARAMING SALAMAT, Mama! Salamat sa lahat ng pag-aaruga at pagmamahal.

“Araw-araw, ikaw ang pipiliin at mamahalin ko! Sa hirap at ginhawa, basta’t kasama ka, Mama!  MAHAL NA MAHAL KITA!

***

NAKAUSAP naman namin si Manay Lolit Solis sa Alex III para kunan ng kanyang reaksyon sa malungkot na sinapit ng kanyang alaga at pinakamamahal na senador na si Bong Revilla noong nakaraang halalan.

Maluwag naman niya itong natanggap, dahil ang opinyon niya, “pag losser ka, losser ka talaga.

“Ang natutuwa lang ako, hindi naman ganun kalayo si Bong, number 14 siya.  Ibig sabihin, marami pa rin siyang followers.

“At kung titignan mo naman ang line-up ng mga nanalong senador, lahat okey naman.  Ang nagtataka lang ako, kung talagang celebrity wash out sila, kagaya ng sinabi ng mga bagets, na hindi sila boboto ng celebrities, eh bakit nandun si Lito Lapid?

“Tapos hindi naman ganun kalayo ang agwat ng boto ni Bong kay Lito.  Hindi naman ako bias, pero siguro kung ako talaga ang pipili between Lito and Bong, mas pipiliin ko si Bong. 

“Pero sabi ko nga, sa buhay talaga makakaranas ka ng pagkatalo.  Mas mag-i-enjoy ka pa nga sa winning kung nakatikim ka ng talo.  Kaya okay lang.”

Dagdag pa kuwento pa ni Manay Lolit, “sabi ko, baka sabi ni God, mag-alalay ka muna kay Lani.  Ikaw muna ang magdala ng bag at mga dokumento ni Lani.

“Nagkausap na kami ni Bong at gustung-gusto ang ugali niya, dahil very gentleman siya.  Ang sabi pa niya, parang nominated ka lang sa Best Actor, may mananalo at may matatalo. Dahil talo ka, ‘di tanggapin mo?

“At siya na rin mismo ang nagsabi na type niya ang line up dahil maganda naman talaga.”

Kaya pahinga muna sa pulitika si Sen. Bong at tiyak na magiging active na muli siya sa pagiging aktor.

(ROHN ROMULO)