• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:17 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Taliwas sa sinabi ni Justice Sec. Remulla: DFA, nilinaw na isa lang ang pasaporte ni Harry Roque

NILINAW ng Departament of Foreign Affairs (DFA) na mayroon lamang na isang aktibong pasaporte si dating Presidential spokesperson Harry Roque.

Sa katunayan, ang pinakabagong pasaporte ni Roque ay ipinalabas noong 2024, at balido hanggang July 2034.

“The DFA can confirm that Mr. Harry Roque holds only one valid regular Philippine passport. All other previously issued under his name have been duly cancelled in accordance with existing rules and regulations,” ang sinabi ng departamento.

Samantala, ang diplomatic passport ni Roque na ipinalabas sa administrasyong Duterte ay napaso na noong Disyembre 2022.

Ang paglilinaw na ito ng DFA ay tugon sa naging kautusan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kanila na kanselahin ang pasaporte ni dating Malacañang Spokesperson Atty. Harry Roque, kasunod ng paglabas ng warrant of arrest ng korte laban sa kaniya.

Ayon kay Remulla, may dalawa o tatlong pasaporte si Roque.

Bawal aniya ang pagkakaroon ng mahigit sa isang regular Philippine passport.

Maaaring ito aniya ang dahilan kung bakit nagawa ni Roque na makaalis ng bansa.

Pero nasabi rin ng Kalihim na dumaan ng Tawi-Tawi si Roque at gumamit ng speed boat para makapunta ng Malaysia.

Si Roque, tinawag namang fake news ang sinabi ni Remulla.

Ayon dito, isang pasaporte lang ang gamit niya at kasalukuyan itong nasa Dutch authorities dahil sa kaniyang asylum application.

Habang ang kanyang isang pasaporte ay hindi na rin nagagamit dahil puno na ito o wala ng blankong pahina.

Ang kanyang diplomatic passport naman, matagal na aniyang hindi ginagamit dahil wala na siya sa gobyerno.

Ang panawagan ngayon ni Roque: mag-ingat ang publiko sa mga ipinakakalat na hindi totoong balita tungkol sa kaniya na ginagawa aniya ng Marcos government para siraan siya.

Samantala, si Roque ay nahaharap sa qualified at regular human trafficking cases na nakahain sa Angeles City RTC, may kaugnayan sa di umano’y pagkakasangkot nito sa illegal POGO.

(Daris Jose)