• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:19 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Biktima pumalag, 2 holdaper ng bumbay sa Malabon, timbog

HINDI nagtagumpay sa kanilang masamang balak ang dalawang holdaper nang manlaban ang bibiktimahin nilang isang Indian national na kahit may tama na ng bala ang biktima sa Malabon City, Miyerkules ng hapon.

Kitang-kita sa kuha ng CCTV ang pagkaripas ng takbo ng dalawang holdaper nang matumba ang kanilang motorsiklo matapos silang paghahampasin ng helmet ng 35-anyos na negosyanteng Bumbay na kanilang binaril at tinangkong holdapin sa loob mismo ng bahay nito sa Brgy. Tugatog, dakong ala-1:19 ng hapon.

Hindi ininda ng biktima ang tama ng bala sa kaliwang braso at mag-isang nagtungo sa Manila Central University (MCU) Hospital upang magpagamot.

Nakita pa sa CCTV nang balikan ng mga suspek ang gamit na motorsiklo subalit, hindi na nila ito mapaandar kaya itinulak na lang hanggang magpasiyang sumakay ng e-trike at iwanan sa hindi kalayuan ang motorsiklo na pag-aari ng asawa ng isa sa dalawang suspek.

Sa isinagawang follow-up operation, nadakip kaagad nina Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan ang mga suspek na sina alyas “Aries”, 25, at alyas “Taurus” 32, sa Yanga St. Brgy. Maysilo nang ituro ng driver ng e-trike na sinakyan kung saan nagpahatid ang dalawa.

Sa ginanap na press conference na pinangunahan ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Director P/MGen. Anthony Aberin sa headquarters ng Northern Police District (NPD), sinabi niya na hindi nila hahayaan ang mga banyaga o sinumang tao na mabalot ng takot sa sariling tahanan.

Ayon naman kay NPD Director P/BGen. Josefino Ligan, may dati ng kaso ng panghoholdap sa isa ring Bumbay si alyas Aries sa Valenzuela City noong 2022, bukod pa sa mga kinasangkutang pagnanakaw, attempted robbery, serious physical injury, at ilegal gambling.

Nakilala ni alyas Aries ang kasabuwa na si alyas Taurus sa loob ng selda matapos makulong din ang huli sa kaso ring panghoholdap at ilegal gambling. Bigo naman ang pulisya na mabawi ang baril na ginamit ng dalawa.

May hinala rin si BGen. Ligan na may financer sa paggawa ng krimen ang mga suspek dahil mabilis na nakakapaglagak ng piyansa ang mga ito para muling gumawa ng panghoholdap. (Richard Mesa)