Kasunod ng muling pag-aresto sa kaniya sa Timor-Leste… Kampo ni Arnie Teves, naghain ng habeas corpus
- Published on May 29, 2025
- by @peoplesbalita
NAGHAIN na ang kampo ni dating Negros Oriental Congressman Arnolfo Teves Jr. ng writ of habeas corpus petition kasunod ng muling pag-aresto sa kaniya sa Timor-Leste.
Sa isang online briefing, inihayag ng legal counsel ni Teves sa Pilipinas na si Atty. Ferdinand Topacio, sakaling katigan ang kanilang petisyon, dadalhin sa hukuman si Teves at kailangan na makumbinsi ng mga umarestong awtoridad ang korte kung bakit siya inaresto at kung ipapadeport siya, kailangan ding ipaliwanag ng mga ito ang basehan para sa deportation ni Teves.
Binigyang diin pa ni Atty. Topacio na naibasura na noon pang Marso ang extradition request ng gobyerno ng Pilipinas.
Inilatag din niya ang tatlong basehan para sa denial o pagbasura sa posibleng deportation ni Teves. Una ay nasa matinding panganib umano ang buhay ng dating mambabatas, pangalawa, posible aniyang pwersahin siyang sumailalim sa torture at iba pang hindi makataong parusa at pangatlo, maaaring sumailalim aniya siya sa proceedings na maaaring magdulot ng injustice sa kanya. ( Daris Jose)