Malabon LGU, nag-deploy ng 3 power washer equipment para mabawasan ang matinding init
- Published on May 29, 2025
- by @peoplesbalita

“Gamit ang mga power washer na ito, sinimulan po natin ang pagbobomba ng tubig sa iba’t ibang bahagi ng lungsod, partikular sa mga daanan at mga parke. Ito ay upang makatulong sa pagbawas sa epekto ng tag-init at masiguro ang kalusugan ng mga residente. Gayundin ay makakapagdilig tayo ng mga halaman at puno na siyang tumutulong sa pagkakaroon ng mas maaliwalas na kapaligiran,” ani Mayor Jeannie.
Ang inisyatibang ito, sa pangunguna ng Malabon Disaster Risk Reduction and Management Office, na inuuna ang mga lugar na may matinding foot traffic tulad ng mga pampublikong pamilihan, bangketa, at mga pangunahing parke. Kasama sa mga target na lokasyon ang Malabon Center Island, Malabon Landmark, Catmon People’s Park, at Hulo Plaza.
“Kasabay ito ng ating patuloy na paglilinis sa mga lugar para naman maiwasan ang pagbabaha kung sakaling dumating panahon ng tag-ulan. Kaya po makasisiguro ang mga Malabueno na tayo ay nakahandang umalalay ano man ang panahon,” dagdag ng mayora.
Isinasagawa ang operasyon kasabay ng mga regular na cleanup drive na isinasagawa ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), na nakatuon sa mga kalsada, parke, at daluyan ng tubig.
Binigyang-diin ni Mayor Jeannie na ang pagsisikap na ito ay bahagi ng isang mas malaking kampanya upang itaguyod ang pampublikong kalusugan at kalinisan sa mga buwan ng tag-init.
“Bukod sa pagpapalamig ng ating mga kalsada, ito rin ay isang hakbang para maiwasan ang pagkalat ng mga sakit na nagmumula sa maruruming kapaligiran,” aniya. (Richard Mesa)