PH, Vietnam nag-uusap para sa ‘comprehensive strategic partnership’
- Published on May 28, 2025
- by @peoplesbalita

Nagkaroon ng bilateral meeting si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kasama si Vietnamese Prime Minister Pham Minh Chinh sa sidelines ng nagpapatuloy na ASEAN Summit in Malaysia, araw ng Lunes.
“Our ministers are in discussion on the possibility of elevating the strategic partnership to a comprehensive strategic partnership. I believe there are already productive conversations between our two countries,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa nasabing miting.
Kinilala naman ng Vietnamese Prime Minister ang “remarkable progress” sa bilateral relations simula nang magkaroon ng state visit si Pangulong Marcos sa Vietnam noong January 2024.
“I hope that it has come to the point where we can elevate the strategic partnership between our two countries,” ang sinabi ng Prime Minister.
Sa kabilang dako, ipinaabot naman ni Pangulong Marcos ang kanyang pakikidalamhati sa Vietnamese leader sa pagpanaw ni dating Vietnamese President Tran Duc Luong nito lamang May 20, 2025.
Kapuwa kinilala ng dalawang lider ang lumalawak na ‘economic at trade cooperation’ sa pagitan ng Pilipinas at Vietnam.
Pinalakas din ng mga ito ang kanilang kolaborasyon sa agrikultura at food security at pinahusay ang people-to-people exchanges sa edukasyon, turismo at cultural engagement.
Samantala, kapuwa ginugunita ng Pilipinas at Vietnam ang ika-10 taong anibersayo ng kanilang strategic partnership, tanda ng isang dakada ng pinalakas na pagtutulungan at pangmatagalang pagkakaibigan sa pagitan ng dalawang bansa. ( Daris Jose)