• October 21, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 11:03 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Most wanted person sa Negros Occidental, nasilo sa Malabon

NAGWAKAS na ang mahigit isang taon pagtatago sa batas ng isang most wanted person sa Negros Occidental nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Malabon City, kamakalawa ng hapon.
          Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan, sinabi ni Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan na nakatanggap sila ng impormasyon na nagtatago sa lungsod ang 56-anyos na si alyas “Kadyo”.
Dakong alas-5:00 ng hapon nang tuluyang matunton ng tumutugis na mga tauhan ni Col. Baybayan ang akusado sa inuupahan niyang tirahan sa Brgy. Panghulo na nagresulta sa pagkakaaresto sa kanya.
Sinabi ni Col. Baybayan na nakakuha sila ng warrant of arrest na inilabas ng Sipalay City, Negros Occidental Regional Trial Court (RTC) Branch 77, laban kay alyas Kadyo para sa dalawang bilang na kadong Acts of Lasciviousness.
May inilaan namang piyansang P216,000 ang korte para sa pansamantalang paglaya ng akusado na ngayon ay nakapiit sa Custodial Facility ng Malabon Police Station habang hinihintay ang ilalabas na commitment order ng hukuman para sa paglilipat sa kanya sa Sipalay City Jail. (Richard Mesa)