Walang conflict sa pagsama ni De Lima sa House prosecution team sa impeachment trial ni VP Sara
- Published on May 27, 2025
- by @peoplesbalita
DINIPENSAHAN ni House Assistant Majority Leader at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pagsama ni Congresswoman-elect Leila de Lima sa House prosecution panel para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte, na nagsabing walang conflict at mapapalakas ng kanyang kadalubsahan sa extrajudicial killings (EJKs) ang kaso.
Sa isang radio interview sa dzBB, inilarawan ni Adiong ang pagkatalaga kay De Lima na lehitimo, strategic at fully in line sa rules ng House of Representatives, na tumataliwas sa kritisismo ng ilang sektor ukol sa political history ng kongresista kay dating Presidente Rodrigo Roa Duterte.
“Wala naman siyang conflict dahil ang sinasabi naman sa rules, sa aming rules, ay kailangan miyembro ng House of Representatives. Si Congresswoman Leila De Lima naman ay magiging member ng House of Representatives sa 20th Congress,” paliwanag ni Adiong.
Sinabi pa nito na pinapayagan naman ang Kamara na kumuha ng external legal experts para makatulong na mapalakas ang kaso, halimbawa na rito ang naganap na 2012 impeachment trial ni dating Chief Justice Renato Corona.
“Allowed naman din na kumuha ang House of Representatives ng mga private lawyers. Makikita natin dun during the time of Corona na merong nag-appear dyan as members of the prosecution na mga private practitioners na mga lawyers,” pahayag ni Adiong.
Idinagdag pa nito na ang track record at legal experience ni De Lima ay dahilan upang maging kuwalipikado ito na makatulong na ma-prosecute ang verified impeachment charges sa drug war ng dating administrasyon.
“We would not deny that. Isa sa mga Articles of Impeachment ay ‘yung EJK. And I guess the background of Congresswoman-elect De Lima, as far as the issue on EJK is concerned, expertise talaga niya ‘yan,” giit pa nito.
Malaki rin ang kaalaman ni De Lima sa kaso ng pagkawala at bilang ng EJK victims.
Nakapaloob sa Article 5 ng impeachment complaint laban kay Vice President Duterte ang kasong murder at conspiracy to commit murder.
(Vina de Guzman)