Pusher, laglag sa P300K droga sa Caloocan
- Published on May 24, 2025
- by @peoplesbalita

Sa ulat, nagawang makipagtransaksyon kay alyas “Boy”, 44, tattoo artist at residente ng Pasig City ng P7,500 halaga ng marijuana ang isa sa mga miyembro ng Caloocan Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) kaya ikinasa nila ang drug buy-bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.
Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa isang undercover police na nagpanggap na poseur buyer kapalit ng isang plastic pack ng marijuana ay agad siyang dinamba ng mga operatiba dakong alas-2:20 ng hapon sa Brgy., 28, ng lungsod.
Nakumpiska sa suspek ang nasa 1,500 gramo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana na may estimated street value na P180,000, 19 pirasong vape cartridges na naglalaman ng hinihinalang cannabis oil na may estimated value na P133,000 at buy-bust money na binubuo ng isang tunay na P500 bill at pitong P1,000 boodle money.
Kasong paglabag sa Sections 5, 11, at 12 under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa ng pulisya laban sa suspek sa Caloocan City Prosecutors Office.
Pinapurihan naman ni Northern Police District (NPD) District Director P/BGen. Josefino Ligan ang dedikasyon at teamwork ng Caloocan City Police Station sa matagumapay nitong operation. (Richard Mesa)