Nadine Lustre, naghain ng reklamong paglabag sa Safe Spaces Act sinuportahan ng Gabriela
- Published on May 23, 2025
- by @peoplesbalita
NAGPAHAYAG ng suporta ang Gabriela Women’s Party sa aktres na si Nadine Lustre na naghain ng reklamong paglabag sa Safe Spaces Act kasunod ng walang habas at malisyosong pag-atake laban sa kanya sa social media, matapos magpahayag ng kanyang pananaw sa pulitika.
“We commend Ms. Lustre for her courage in standing up against online gender-based violence. Her case highlights the alarming reality that women who speak out on political and social issues are systematically targeted with harassment to silence them,” ani Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.
Iginiit ng mambabatas na ang pag-atake laban kay Lustre ay nagre-representa sa mas malawak na pattern ng online violence na target ang mga politically active women.
Ang pag-atake sa kababaihan tulad ni Nadine ay hindi isolated case. Ito ay bahagi ng sistemang patriyarkal na gustong patahimikin ang mga kababaihan, lalo na kapag nagpapahayag sila ng kanilang opinyon sa pulitika,” dagdag ni Brosas.
Matatandaang ipinanukala ng Gabriela Women’s Party na taasan ang multa sa sexual harassment at tugunan ang lumalawak na gender-based violence sa digital spaces.
Sinabi nito na hindi na sapat ang Anti-Sexual Harassment Act of 1995 kung saan ipinanukala nito na gawing P20,000 hanggang P250,000 ang multa at pagkakakulong ng mas mahabang panahon.
“Kailangan nating isabay ang ating mga batas sa mabilis na pagbabago ng teknolohiya. Ang online spaces ay dapat maging ligtas para sa lahat, lalo na sa mga kababaihan,” dagdag nito.
(Vina de Guzman)