Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel, tinuligsa ang babala ng Duterte Youth na pagbubunyag sa umano’y korupsyon sa gobyerno
- Published on May 21, 2025
- by @peoplesbalita
TINULIGSA ni Kabataan Party-list Rep. Raoul Manuel ang babala ng Duterte Youth na pagbubunyag sa umano’y korupsyon sa gobyerno na tinawag nitong “self-serving.”
Kinuwestiyon din ng mambabatas ang timing ng naturang pahayag.
“Self-serving. Kung may alam pala sila tungkol sa korapsyon, bakit di nila isiniwalat dati pa?” pagtatanong ni Manuel sa isang post nito sa X (dating Twitter).
Ang reaksyon ng mambabatas ay kaugnay sa pahayag ni Duterte Youth Party-list Chairman Ronald Gian Carlo Cardema na nagbabala sa Commission on Elections (COMELEC) na kapag hindi pinayagan ang pag-upo ng kanilang mga representante ay ibubunyag nila ang umano’y “kalokohan” na kinasasangkutan ng mga opisyal ng kongreso at comelec.
“Basta makakapit sila sa puwesto, kaya nilang isantabi ang korapsyon na pumapatay sa kinabukasan ng kabataang Pilipino. Niloloko nila kahit ang mga Duterte supporter sa pekeng mga adbokasiya nila,” ani Manuel
Iginiit pa ni Manuel na inilantad nila ang iskandalo ng confidential funds ni VP Sara, maharlika investment scam ni Marcos, at iba-iba pang anyo ng pork, nang walang hinihinging kapalit, dahil ang loyalty nila ay sa taumbayan hindi sa sinumang politiko.
“Ito ang pagiging tunay na makabayan. Ito dapat ang ipakitaa nating example sa kabataan,” pagtatapos ni Manuel. (Vina de Guzman)