Nakakapagod pero sulit na sulit: MAJA, aminadong hands-on sa pagiging ina kay MARIA
- Published on May 16, 2025
- by @peoplesbalita
IKINASAL noong July 2023 sina Maja Salvador at Rambo Nuñez at noon namang May 31, 2024 ay isinilang ang una nilang anak na babae, si Maria.Kaya tinanong namin si Maja kung ano ang pinaka-best part ng motherhood.
“Everything,” umpisang sagot ni Maja.
“Siguro yung gigising ka sa umaga, hindi nga sa umaga, sa madaling araw, tapos may katabi ka ng little you, di ba, mini me, so ang sarap sa pakiramdam.
“Hindi mo talaga mae-explain, e.”
May pagod rin bang kaakibat ang pagiging ina, lalo na sa tulad niyang first time mom?
“May pagod,” bulalas ni Maja, “totoo yung… totoong nakakapagod. Pero yung masarap na pagod, sulit, worth it.”
Hands on na ina si Maja, as in mismong siya ang nagpapalit ng diaper ni Maria.
Breast-feeding?
“Ngayon nag-stop na, nag-dry na yung milk ko nung nag-diet ako at tsaka balik-workout, nagsayaw-sayaw, ganun daw yun e, nagda-dry, so…
“Happy naman ako inabot ako ng eight months sa pagbe-breast feed.”
Maging si Rambo raw ay hands-on dad kay Maria.
“Sobrang close sila nung anak ko. Kasi sa mga pamangkin pa lang ni Rambo, isa yun sa kinain-love-an ko e, yung alam niya na mahilig siya sa bata, so iyon.
“Kumbaga yung mga nakikita ko dati, nai-imagine ko dati ngayon nangyayari na.
“Recently I had a show sa Ilocos Sur and La Union so nagwo-work ako, e yung anak namin gusto sa beach, mahilig mag-swimming.
“So naiiwan sa kanya, so silang dalawa nagsu-swimming, tapos nakikita ko na lang yung photos and videos na sobrang nag-e-enjoy so ayun,” ang masayang kuwento pa ni Maja.
Tinanong namin si Maja kung ano ang ginawa niya, kung ano ang sekreto at napakaseksi niyang muli, na parang hindi siya nanganak?
“Ay, hindi po totoo iyan,” pakli niya, “kung nakita niyo ako ang laki-laki ko!”
Ngayon ay napakaseksi ni Maja.
“Sa akin lang hindi talaga nag-work iyong pag nagbe-breastfeed ka yung papayat ka, hindi iyon… kasi lalo akong kumakain.
“Pero simula nung natapos na ako, January iyon e, kapag ginugutom ko yung sarili ko, gutom talaga. Hindi ako kakain tapos workout, balik sa sayaw.
“So medyo mabilis nga yung pagpayat ko.
Samantala, mag-premiere na ang Emojination Season 5 ngayong May 17 (Sabado), 5:30 PM sa TV5 at may same-day catch-up sa BuKo Channel ng 8:00 PM.
Makakasama dito ni Maja bilang co-host ang Last One Laughing (LOL) Season 1 grand winner na si Chad Kinis at nagbabalik din ang ever-energetic sidekick na si Chamy Aguedan.
(ROMMEL L. GONZALES)