Lolo na most wanted sa rape sa Sorsogon, nalambat ng NPD sa Caloocan
- Published on May 10, 2025
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang manyakis na lolo na akusado sa apat na bilang ng panggagahasa matapos matunton ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang Intelligence Section of the District Mobile Force Battalion (DMFB) ng Northern Police District (NPD) na nagtatago sa lungsod ang 65-anyos na si alyas “Tata Peter”, na nakatala bilang Top Most Wanted Person (TMWP) sa Sorsogon.
Ayon kay NPD District Director P/BGen. Josefino Ligan, nakatala din ang akusado sa Department of the Interior and Local Government’s (DILG) bilang Most Wanted Person na may monetary reward na nagkakahalaga ng P160,000.00 para sa pagkakadakip sa kanya.
Sa koordinasyon sa Technical Support Division ng Intelligence Group at Gubat Municipal Police Station, agad ikinasa ng DMFB sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Renante Pinuela, Force Commander, ang pagtugis kay alyas Tata Peter hanggang sa makorner nila ito sa Llano Road, Barangay 169, dakong alas-9:30 ng gabi.
Maayos namang naisilbi ng pulisya kay alyas Tata Peter ang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 54 ng Gubat, Sorsogon, noong September 24, 2021, para sa apat na bilang ng kasong Rape na walang inirekomendang piyansa at isang bilang ng Acts of Lasciviousness in relation to RA 7610, na may inilaang piyansa na P80,000.
Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng NPD habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa korte. (Richard Mesa)