PAG-IBIG, itinaas ang cash loan cap ng hanggang 90% ng savings simula Mayo 16
- Published on May 10, 2025
- by @peoplesbalita
MAAARI nang humiram ang mga miyembro ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG Fund ng hanggang 90% ng kanilang savings simula May 16.
“Mas pinadali at pinalaki na ang Pag-IBIG Multipurpose Loan sa pamamagitan ng 90 percent loanable amount mula sa iyong savings, pinaikling 12-month eligibility, at mas maraming repayment options,” ang sinabi ng Pag-IBIG Fund sa isang public advisory.
Ang enhancement na ito ay bahagi ng layunin ng Pag-IBIG na bigyan ang mas maraming miyembro ng accessible funds para sa kanilang pangangailangan sa hinaharap.
Ang mga miyembro na may upgraded Regular Savings ay maaaring mag- avail ng mas malaking loan lalo pa’t ang loan entitlement ay base sa kanilang total savings.
Sa nakalipas, maaaring humiram ang miyembro ng 80% ng kanilang savings matapos ang 24 buwan ng kontribusyon.
Ang pagtaas ng cap ay available para sa Health and Education Loan Programs at calamity loan.
Nauna rito, sinabi ni Pag-IBIG Fund Chief Executive Officer Marlene Acosta na ang multi-purpose loan ay nananatiling affordable sa 1.4583% monthly interest rate sa kabila ng enhancements.
Ipinalabas naman ang state mutual fund na P70.3 billion na cash loans sa mahigit na 3.2 milyong miyembro noong 2024. ang pigura ay pinakamataas na halaga ng cash loans na ginastos ngayong taon.
Layon nito na tulungan ang 3.6 milong miyembro ng may projected cash loan na ipalalabas ng hanggang P95.3 billion ngayong taon. (Daris Jose)