• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Accountability sa NAIA Terminal 1 tragedy, malalimang imbestigasyon sa paggamit ng substandard bollards   

HINILING ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas ang pagsasagawa ng isang malaliman at independent investigation sa naganap na aksidente sa NAIA Terminal 1 na ikinasawi ng dalawang indibidwal na kinabibilangan ng isang 5-anyos na bata at madaling pagkasira ng safety bollards.
“Nakakagalit at nakakabahala na ang mga istrukturang dapat sana’y nagpoprotekta sa ating mga mamamayan ay basta-basta na lamang bumagsak. Hindi ito simpleng aksidente lamang kundi isang trahedyang maaaring naiwasan kung may tamang implementasyon ng mga safety standards,” ani Brosas.
 Lumilitaw sa dokumento na ang mga nakalagay na bollards ay inilagay noong 2019 sa panahon ng NAIA rehabilitation program sa ilalim ng pangasiwaan ni dating Transportation Secretary Arthur Tugade na panahon ni Duterte administration.
“This tragedy exposes the deadly consequences of corruption in government projects. When contractors cut corners and use substandard materials, when officials turn a blind eye to proper inspections, it is the Filipino people who pay the ultimate price,” pahayag ni Brosas.
Dapat aniya, maimbestigahan ang lahat ng opisyal na sangkot sa procurement, installation, at inspection ng bollards,
“Hindi pwedeng walang mananagot. Dalawang buhay ang nawala, kabilang ang isang limang taong gulang na bata. Dapat managot ang lahat ng sangkot sa kapabayaang ito, mula sa contractors hanggang sa mga opisyal na pumirma at nag-apruba ng proyektong ito,” dagdag nito.
Nanawagan din ito na magsagawa ng agarang rebyu sa lahat ng kahalintulad na safety infrastructure sa mga public facilities sa buong bansa.
“Sa kabila ng bilyun-bilyong pondo para sa Build, Build, Build projects, bakit nagkakaroon pa rin ng ganitong uri ng kapabayaan? Ang korapsyon sa mga proyektong pampubliko ay direktang naglalagay sa panganib sa buhay ng ating mga mamamayan,” pagtatapos ni Brosas. (Vina de Guzman)