• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Rider na armado ng baril, nasabat sa checkpoint sa Caloocan

NABISTO ang dalang baril ng isang rider nang sumemplang makaraang tangkain takasan ang mga pulis na nagsasagawa ng Oplan Sita dahil sa hindi pagsuot ng helmet sa Caloocan City, kamakalawa ng hapon.
          Ayon kay Caloocan police chief P/Col. Paul Jady Doles, habang nagsasagawa ng Oplan Sita ang mga tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU) North, Sector 1, sa P. Dela Cruz, Sitio Gitna, Brgy. 166, nang parahin nila ang isang rider dahil walang suot na helmet.
          Sa halip na huminto, biglang pinaharurot ng rider ang minamanehong motorsiklo subalit, nawalan siya ng control na naging dahilan ng kanyang pagsemplang at pagkakaaresto sa kanya.
          Nang kapkapan, nasamsam ng mga pulis sa loob ng kanyang belt bag ang isang kalibre .38 revolver na kargado ng limang bala at nang hanapan siya ng kaukulang dokumento hinggil sa legalidad nito ay wala din naipakita ang suspek.
          Kinumpiska din ng pulisya ang gamit na motorsiklo ng suspek na mahaharap sa mga kasong paglabag sa Article 151 of the Revised Penal Code (Disobedience to Authority) at R.A. 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) in relation Omnibus Election Code.
Pinapurihan naman P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District, ang Caloocan City Police Station para sa kanilang mabilis na pagkilos at dedikasyon sa pagtataguyod ng kaligtasan ng publiko. (Richard Mesa)