PPCRV, nangangailangan ng volunteers para sa Eleksiyon 2025
- Published on May 5, 2025
- by @peoplesbalita
NANGANGAILANGAN ang Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) ng mas maraming volunteers upang makatulong nila sa isasagawang pagbabantay sa May 12, 2025 National ang Local Elections (NLE).
Ayon kay PPCRV national coordinator Arwin Serrano, sa ngayon ay mayroon na silang 350,000 volunteers na nagpahayag ng kahandaang tumulong sa halalan. Gayunman, kailangan pa aniya nila ng mas maraming volunteers.
Aniya, ang mga interesadong mag-volunteer ay kailangan lamang na magpalista sa pinakamalapit na Katolikong parokya sa kanilang lugar.
Nilinaw naman ni Serrano na hindi kuwalipikasyon ang relihiyon sa pagiging volunteer dahil ang kailangan lamang nila ay yaong non-partisan.
“Hindi ninyo kinakailangang maging Katoliko. Welcome po kami for all kinds of religion basta’t siguraduhin lamang na non-partisan po kayo sa inyong pagnanais na mag-volunteer sa PPCRV,” ani Serrano sa isang pulong balitaan.
Ang PPCRV ay isang election watchdog, na binigyan ng Commission on Elections (Comelec) ng akreditasyon upang maging citizen’s arm nila sa midterm polls.