May alok na ‘no down-payment at zero interest’ na modern jeep… E-JEEP NI CHAVIT SINGSON, SAGOT SA PROBLEMA NG TRANSPORTASYON
- Published on May 4, 2025
- by @peoplesbalita
SA INISYATIBA ni dating Ilocos Sur, Governor Chavit Singson at ang kanyang kumpanyang LSC katuwang ang mga partners na Electric Mobility ON (EMON), and Korea’s Automotive Technology Institute (KATECH) ay maglulunsad sila ng mga modernong e-jeepney. Ito ay isang makabuluhang hakbang tungo sa mas komportable at makabagong sistema ng transportasyon sa Pilipinas na nakikitang solusyon ni Manong Chavit sa matagal ng problema ng ating bansa.
Noong Miyerkoles, April 30 ay isa kami at ang People’s Balita sa naimbitahan at nakasaksi sa makasaysayang pirmahan ng memorandum of understanding signing ceremony na ginanap sa
LCS E Mobility On (Emon) Factory
Lima Technology Center- Special Economic Zone, Malvar, Batangas
Nais ni Gov. Chavit na palitan ang mga lumang jeep nang makabago, world-class, at gawang Pinoy na e-jeepney–mas maluwag, may air-conditioning, at dinisenyo upang magbigay ng presko at komportableng biyahe para sa mga commuter, lalo na para sa mga masisikip at mahahabang ruta.
Hindi tatakbo sa krudo ang mga e-jeep, kaya mas malaki ang iuuwing kita ng mga drayber sa kanilang pamilya. Bukod sa ginhawang dala nito sa bulsa ng mga drayber, magiging eco-friendly na din ang hari ng kalsada. Walang usok, walang ingay. Malinis na hangin at tahimik na lansangan para sa lahat.
Ang pagpapatupad ng mga makabagong solusyon sa mga hinaing sa transportasyon tulad ng e-jeepney ni Chavit ay hindi dapat maging pabigat sa mga unang maaapektuhan nito–ang mga drayber at operators. Kaya sa programang ito ni Singson, ang mga e-jeep na nagkakahalaga ng P1.2 milyon, maaaring makuha nang walang downpayment, walang collateral, at walang karagdagan interes–talagang abot-kaya.
Ang naturang jeepney ay pasok sa standard ng pamahalaan sa ilalim ng PUV Modernization Program.
Ayon kay Singson, ginaya ang proto type jeep sa lumang pampasaherong jeep sa Pilipinas kung kaya’t ang nakagawian pa rin ang magiging disenyo.
Nakikipag-ugnayan na ngayon si Singson sa mga transport group tulad ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas o LTOPF, ALTODAP, PASANG Masda at iba pa.
Para kay Singson, ang e-jeepney initiative ay hindi lamang isang proyekto kundi isang tunay na solusyon sa matagal nang problema sa pampublikong transportasyon ng bansa. (Mary Rose Antazo)