• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Bilang pagpupugay sa legacy sa industriya ng pelikula: MTRCB, suportado ang iba pang pelikula ni Nora Aunor

SUPORTADO ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang pagpapalabas ng iba pang pelikula ng namayapang Superstar at Pambansang Alagad ng Sining na si Ms. Nora Aunor, bilang pagpupugay sa legasiya nito sa industriya ng pelikula.

Sa inisyatiba ng Viva Communications, Inc., binigyan ng angkop na klasipikasyon ng Board ang mga sumusunod na pelikula ni Ms. Nora Aunor:

“Beloved” (PG – Patnubay at Gabay ng Magulang), tungkol sa pag-ibig, pagtataksil at pagtutubos na nagpapakita ng di matatawarang husay sa pag-arte ni Bb. Aunor, at “The Flor Contemplacion Story” (R-13, angkop para sa edad 13 at pataas), mula sa direksyon ni Joel C. Lamangan, tungkol ito sa talambuhay ni Flor Contemplacion, isang domestic helper sa Singapore na hinatulan ng pagpatay ng kapwa Pilipino.

Hinikayat ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang publiko na panoorin ang mga pelikula ni Bb. Nora Aunor na nagsilbing inspirasyon sa industriya ng paglikha.

“Masaya kami sa MTRCB na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang mga pelikulang ito na makapagbibigay saya at pagpapahalaga sa talento ni Bb. Aunor habang isinusulong ang responsableng panonood sa mga sinehan,” sabi ni Sotto-Antonio.

Tiniyak ng MTRCB na patuloy itong nakasuporta sa mga inisyatiba na pagpreserba at pagbibigay-pugay sa mga klasikong pelikula katulad ng mga pelikulang kinabibilangan ni Superstar Bb. Nora Aunor na nagsisilbing pundasyon ng industriya ng pelikulang Pilipino.

***

MULING pinagtibay ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at Safe Schools Philippines (SSP) ang kanilang samahan para maisulong ang responsableng panonood at ligtas na media para sa kabataang Pilipino.

Nitong Lunes, Abril 29, lumagda ng isang Memorandum of Understanding ang MTRCB at SSP. Layunin nito na maturuan at magabayan ang mga kabataan, magulang at guro pagdating sa importansya ng responsableng panonood at angkop na klasipikasyon.

Mahalaga para kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang naturang kolaborasyon para maisulong ang mandato ng Ahensya na protektahan ang pamilyang Pilipino partikular ang kabataan laban sa mapanganib na content.

“Bilang mga tagapagtaguyod ng responsableng panonood, handa tayong makipagtulungan sa SSP para mabigyan ang pamilyang Pilipino at komunidad ng tamang kaalaman na kailangan nila para gabayan ang mga bata sa makabagong panahon,” sabi ni Sotto-Antonio.

Nagpasalamat naman si Safe Schools Philippines Founder at Chairperson Arlene Escalante Eluwa sa MTRCB para sa mga programa at inisyatiba ng ahensya para maprotektahan ang kabataang Pilipino.

“Ang pagtutulungan na ito ay patunay na kapag tayo ay nagsama-sama, kaya natin gawing pusible ang impusible. Maraming salamat, MTRCB family sa pagsama at pagtindig ninyo sa aming adbokasiya,” sabi ni Eluwa.

Ang kolaborasyon ay nagpapakita ng dedikasyon ng pamahalaan para sa responsableng panonood at ligtas na paggamit ng media.

(ROHN ROMULO)