• October 19, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 2:55 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Suportado ng MTRCB at hinihikayat na panoorin: Dalawang tanyag na pelikula ni NORA, muling ipalalabas sa mga sinehan 

BILANG pagbibigay-pugay sa naging kontribusyon ni yumaong Superstar at Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Sining Brodkast na si Bb. Nora Aunor, binigyan ng angkop na klasipikasyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang dalawang tanyag na pelikula ng aktres na muling mapapanood sa mga sinehan.
Ang mga pelikulang “Tatlong Taong Walang Diyos” at “Tatlong Ina, Isang Anak” ay nakatanggap ng rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang) mula sa komiteng nagrebyu. Ibig sabihin, swak itong panoorin ng pamilyang Pilipino.
Hinihikayat ang mga magulang sa ilalim ng PG na gabayan ang mga batang manonood at magkaroon ng pag-uusap sa mga bata tungkol sa tema ng pelikula.
Ang 1976 wartime drama na “Tatlong Taong Walang Diyos” mula sa direksyon ni Mario O’Hara ay nakatanggap ng mataas na pagtanggap noon mula sa mga kritiko nito at kinokonsidera bilang isa sa pinakamahusay na pelikulang Pilipino.
Habang ang “Tatlong Ina, Isang Anak” (1987) ay tungkol sa kwento ng pagiging isang ina sa katauhan ng tatlong babae na pinagtagpo ng pagmamahal at pagsasakripisyo.
Sa inisyatiba ng ABS-CBN Film Restoration Project (Sagip Pelikula), nagsisilbing pagkilala, parangal, at papuri ang mga pelikulang ito kay Bb. Nora Aunor, kung saan ang kanyang buhay at talento ay nag-iwan ng kasaysayan sa kultura at sining ng Pilipinas.
“Ang ating Superstar na si Bb. Nora Aunor ay hindi lamang isang pambansang yaman kundi ay sumisimbolo sa tagumpay ng industriya ng pelikula ng Pilipinas,” sabi ni MTRCB Chairperson and CEO Lala Sotto-Antonio.
“Tayo sa MTRCB ay masaya na mabigyan ng angkop na klasipikasyon ang klasikong pelikula ng yumaong superstar, na makatitiyak na ligtas itong panoorin ng mga manonood anuman ang edad.”
Hinihikayat ng MTRCB ang publiko na panoorin at makibahagi sa pagkilala sa legasiya ni Bb. Nora Aunor na siyang nagpapatunay sa mayamang kultura at sining, at maipagmamalaking pelikulang Pilipino.
(ROHN ROMULO)