LTO, nagtalaga ng 1,700 Enforcer para siguraduhin ang ligtas na biyahe ng Semana Santa
- Published on April 19, 2025
- by @peoplesbalita
NAGTALAGA ang Land Transportation Office (LTO) ng humigit kumulang 1,700 enforcer sa buong bansa upang magbantay sa mga pangunahing lansangan at tiyaking maipapatupad ang batas laban sa mga pabayang motorista, kabilang na ang mga sangkot sa karerahan sa kalsada, sa inaasahang pagdagsa ng mga sasakyan ngayong Semana Santa. Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, nakipag-ugnayan na rin ang ahensya sa Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agencies upang agad na matugunan ang anumang sumbong o ulat kaugnay ng mga pasaway na motorista sa mga pangunahing kalsada. “Ang lahat ng ating enforcers ay nakapuwesto sa mga pangunahing lansangan upang magsilbing babala sa mga balak maging pasaway sa kalsada. Bahagi ito ng direktiba ni DOTr Secretary Vince B. Dizon, dahil ang presensya pa lamang ng unipormadong tauhan ng LTO ay nakakapigil na sa mga pasaway na driver,” ani Asec. Mendoza. “Pero para sa mga matitigas ang ulo, we will surely run after you. Matakasan mo man ang mga enforcers dahil mabilis kang magmaneho, our enforcers already know what to do on those kind of situations para matiyak na mapanagot ka sa pagiging kamote sa kalsada,” dagdag pa niya. Bagama’t pangunahing layunin ang pagtulong sa mga motorista para sa ligtas na biyahe, sinabi ni Asec. Mendoza na may espesyal na utos sa mga LTO enforcers na tutukan at i-dokumento ang mga pabayang driver sa kabuuan ng Semana Santa hanggang sa makabalik ang mga biyahero sa kanilang mga trabaho matapos ang mahabang weekend. Matatandaang nanawagan si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa mga motorista na maging kalmado at isaalang-alang palagi ang kapakanan ng kanilang pamilya sa gitna ng presensya ng mga ‘kamote’ driver sa mga lansangan. Samantala, inatasan ni Secretary Dizon ang LTO at ang LTFRB na gumawa ng lahat ng hakbang upang pigilan ang reckless driving, at habulin ang mga susuway dito. Noong Martes, Abril 15, inihayag ni Asec. Mendoza na nagsimula na silang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga rehistradong may-ari at driver ng dalawang pampasaherong bus isa ang nasangkot sa aksidente sa NLEX, habang ang isa naman ay makikita sa viral video na tuluy-tuloy sa pag-overspeeding kahit mariin nang nakikiusap ang mga pasahero na siya’y magmenor. Dagdag pa ni Asec. Mendoza, nakabuo na ang LTO ng mga mekanismo upang mapalakas ang pananagutan ng mga abusadong motorista, kasabay ng pagbibigay-diin sa pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ang lisensyang pangmamaneho ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan. Binanggit din niyang mas mabilis na ang pagkilos ng LTO laban sa mga lumalabag: HIndi po puwede kay Secretary Dizon ang mabagal. Kaya talagang mabilis ang aksyon natin sa mga reckless drivers na ito without compromising their right to due process. “Hindi po tayo nagkulang sa pagpapa-alala about road safety at nasa upgrading na po tayo ng ating action plan laban sa mga abusadong driver at yun ay sa pamamagitan ng certainty na mahuhuli at mapaparusahan sila,” ani pa ni Asec. Mendoza. Hinimok din ni Asec. Mendoza ang publiko, lalo na ang mga netizens, na patuloy na manawagan at i-report ang mga pasaway na motorista, dahil may special team ang LTO na tutok sa social media para bantayan ang ganitong mga insidente. “Magtulungan po tayo dahil ang road safety ay responsibilidad ng bawat isa. Hinihikayat po namin ang publiko, lalo na ang mga netizens, na huwag mapagod sa pagiging mapagmatyag laban sa mga pabayang driver dahil baka sa inyong simpleng aksyon, mailigtas niyo ang isang kaibigan o kamag-anak,” ani Asec. Mendoza. May mga opisyal na social media accounts ang LTO at isang hotline na maaaring kontakin: “AksyON THE SPOT 09292920865.” (PAUL JOHN REYES)