Smooth Operations sa NAIA 3, iniulat ng Malakanyang
- Published on April 17, 2025
- by @peoplesbalita
IBINALITA ng Malakanyang na habang ang nagsimula na ang Semana Santa, maayos naman ang operasyon ng immigration counters sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3. Ito’y dahil wala ng makikitang mahabang pila ng mga naghihintay na biyahero. “Wala nang pila sa Immigration counters sa NAIA Terminal 3. Kahit sa oras ng rush hour, mas madali na para sa mga departing passengers ito,” ang sinabi ni travelers, Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang. Ani Castro, alinsunod ito sa naging direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin na komportable at episyente ang byahe ng mga pasahero. Samantala, sanib-puwersa naman ang Bureau of Immigration (BI), Manila International Airport Authority (MIAA), New NAIA Infrastructure Corp. (NNIC), at ang Department of Transportation (DOTr) para mabawasan ang pagsisikip sa immigration counters. Tinatayang, 44 immigration counters sa NAIA Terminal 3 ang nakabukas upang gawing mabilis ang immigration processes para sa departing passengers. “Ang sabi ng Pangulo, gawin nating convenient at safe ang travel experience ng ating mga pasahero at ito ang mabilis na sagot ng mga concerned agencies upang mapagaan at mapabilis ang Immigration processing sa ating paliparan,” ang sinabi ni Castro. Ayon sa BI, inaasahan na may 50,000 biyahero kada araw sa panahon ng peak season. (Daris Jose)