• October 22, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 2:52 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 kulong sa sugal, patalim at baril sa Caloocan

MAGBABAKASYON sa loob ng kulungan ang apat katao matapos maaktuhang naglalaro ng ilegal na sugal na cara y cruz kung saan nakuhanan pa ng baril at patalim ang dalawa sa kanila sa Caloocan City. Sa ulat, habang nagsasagawa ng anti-criminality operation ang mga tauhan ng West Grace Park Police Sub-Station 3 sa Abbey Road 1, Brgy. 73, nang maaktuhan nila ang apat na kalalakihan na naglalaro ng ilegal na sugal na cara y cruz dakong alas-5:20 ng madaling araw. Inaresto ng mga pulis ang apat at nakumpiska sa kanila ang tatlong peso coins na gamit bilang pangara at bet money na abot sa P650. Bukod dito, nasamsam din sa 25-anyos na freelance video editor ang isang improvised firearm “pen gun” na kargado ng isang bala ng caliber .38, habang patalim naman ang nakuha sa 43-anyos na vendor. Ang dalawa pang arestadong suspek ay edad 37, ng Malabon at 32-anyos na physical therapist. Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act), BP 6 (Illegal Possession of Deadly Weapons), BP 881 (Omnibus Election Code), at P.D. 1602 (Illegal Gambling) sa piskalya ng Lungsod ng Caloocan. Pinuri ni P/BGen. Josefino Ligan, District Director ng Northern Police District (NPD) ang dedikasyon at propesyonalismo ng Caloocan Police sa mabilis nilang aksyon. “This successful intervention highlights the vigilance of our personnel on the ground. Their proactive actions are crucial to ensuring the safety and security of our communities,” aniya. (Richard Mesa)

https://peoples-balita.com/wp-content/uploads/2025/04/BARIL-1.jpg