Taliwas sa naging paglalarawan ni VP Sara na itim ang kulay ng bansa: Konting kula na lang, administrasyong Marcos patungo na sa paputi- Malakanyang
- Published on April 16, 2025
- by @peoplesbalita
PINALAGAN ng Malakanyang ang tila patutsada na 31-second video campaign ads nina Vice-President Sara Duterte at Senatro Imee Marcos. Sinabi kasi ni VP Sara kasama si Senator Imee Marcos, na “Itim ngayon ang kulay ng bansa sa gutom at krimen, nagluluksa.” Ang naging tugon naman ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang ay “papunta na po sa paputi, konting kula na lang, medyo maputi na. Hindi man “perfectly white” katulad ng aking sinasabi pero doon na po patungo ang kasalukuyang administrasyon,” Inakala naman ni Castro na ang 31 video campaign ads ay noong 2022 campaign ads. Nailarawan aniya kasi sa video campaign ads ang kapanahunan ng nakaraang administrasyon sa sinasabing campaign ads,” ang sinabi pa rin nito. “Kapag sinabi ba natin na Itim ngayon ang kulay, mas made-describe siguro natin ang nakaraang administrasyon na sobrang itim na ngayon ay papaliwanag na sa panahon ng kasalukuyang administrasyon. Hindi man ganoon kaputi pero patungo na doon,” aniya pa rin. Sa ulat, inendorso ni VP Sara ang reelection bid ng presidential sister na si Imee Marcos ilang linggo matapos na kumalas ito sa senatorial ticket ng administrasyon. Araw ng Lunes, ipinalabas ni Imee sa kanyang Facebook page ang political advertisement kung saan siya inendorso ni VP Sara. Sinundan naman ni Imee Marcos ang linya ni VP Sara at sinabing “Gutom na ang sikmura, gutom pa sa hustisya. Ginigipit ang hindi ka-alyansa.” “Unang-una po may binanggit sila tungkol sa kagutuman. tandaan po natin na ayon po sa records na rin po na naibaba ang poverty incident sa panahon ng 2023, 15.5% mula sa 18.1% in 2021,” ang sinabi ni Castro. Inilatag din ni Castro ang iba’t ibang report pantapat sa sinabi ni campaign ads sa video nina VP Sara at Imee Marcos. Sinagot din ni Castro ang tungkol sa krimen kung saan aniya dapat tandaan ng lahat na may ipilabas na statistics na inayunan naman ni Senate President Chiz Escudero na sa panahon aniya ngayon ay mas mababa ang crime rate kumpara sa nakaraang administrasyon. Sinagot din ni Castro ang sinabi ni Imee Marcos na gutom pa sa hustisya na kasama sa 31-second video campaign ads. Tinukoy nito ang ibang kamag-anak na biktima ng war on drugs campaign ng dating administrasyon. Samantala, dapat din aniya na ang mga botante ay maging mapanuri. “Huwag pong magpaloko sa mga sinasabi sa iilang campaign ads, alamin ang katotohanan, iwasan ang fake news, dignidad mo, boto mo,” ang sinabi ni Castro. Patungkol aniya sa campaign issues, ibinato niya sa campaign manager ng Alyansa ang tanong na ito dahil ito aniya ang awtorisado na magsalita sa ganitong mga usapin. Hindi aniya nais ng Pangulo ang ganitong klase ng mga negatibo na mga pangangampanya lalong-lalo na kung ito’y fake news. Sa katunayan aniya, noon pa man ay sinasabi na ng Pangulo na labanan ang fake news. Mas hindi aniya maganda na gagamnitin itong naratibo sa pangangampanya.(Daris Jose)