Nakikisalo sa isang babae, lalaki, tinarakan
- Published on March 27, 2025
- by @peoplesbalita
HINIHINALANG dahil sa selos kaya tinarakan sa likod ang isang lalaki ng suspek makaraang komprontahin nang huli ang una dahil sa umano’y relasyon nito sa kanyang live-in partner sa Gen Mariano Alvarez (GMA), Cavite.
Ginagamot ngayon sa CARSIGMA Hospital ang biktimang si Glen Veloso dahil sa saksak sa likod mula sa suspek na si alyas Mark Ranjel.
Sa ulat, nagpanagpo ang biktima at suspek sa kahaban ng Congressional Road, Brgy Poblacion 1, GMA Cavite bandang alas-6:30 kamakalawa ng gabi at kinompronta ng suspek ang biktima hinggil sa umano’y relasyon nila ng kanyang live-in partner.
Ang komprontasyon ay humantong sa mainitang pagtatalo hanggang sa nagbunot ng patalim ang suspek at inundayan ng saksak ang biktima saka tumakas sa direksiyon ng Silang, Cavite.
Patuloy ang pagtugis ng pulisya sa suspek. (Gene Adsuara)