• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 1:42 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kawani ng DPWH na akusado sa kasong sexual assault, laglag sa selda  

HIMAS-REHAS ang isang kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nahaharap sa mabigat na kasong sexual assault matapos madakma ng pulisya sa ikinasang manhunt operation sa Valenzuela City.

Kaagad na binasahan ng kanyang mga karapatan sa ilalim ng umiiral na Miranda rights ang akusado na si alyas “Albie”, 42, Draftsman ng DPWH, makaraang matunton ng mga tauhan ni Valenzuela Police Chief P/Col. Nixon Cayaban sa kanyang tirahan sa Cayetano St. Brgy. Karuhatan alas-8:30 ng gabi.

Binitbit ang akusado sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Presiding Judge Mateo B. Tarejos ng Branch 172 na may petsang Marso 20, 2025 para sa kasong sexual assault sa ilalim ng Art, 266-A Par. 2 in Relation to Section 5(B) ng R.A. 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act,

Ayon kay Col. Cayabayn, may inilaan namang piyansa na nagkakahalaga ng P200,000 ang hukuman para sa pansamantalang paglaya ng akusado na pansamantala munang ipiniit sa custodial facility ng Valenzuela Police Station habang hinihintay ang commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail.

Sa ilalim ng Article 266-A paragraph 2 ng Revised Penal Code, ipinaliliwanag dito na ang sexual assault ay ang paggamit ng akusado ng isang instrumento o bagay sa maselang bahagi ng katawan ng biktima nang wala siyang pahintulot.

Kung mapapatunayan ng hukuman na may katotohanan ang akusasyon, may katapat na parusa ang naturang kaso ng pagkakabilanggo ng mula 12-taon at isang araw hanggang 20-taon at isang araw o habambuhay na pagkabilanggo, kumporme sa magiging hatol ng korte. (Richard Mesa)