• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 4:51 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Aplikasyon na asylum sa bansang The Netherlands… Taktika ni Roque para hindi matanong at magisa sa mga isiniwalat nito sa Quad Comm hearing

TAKTIKA ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na maghain ng aplikasyon ng asylum sa bansang The Netherlands.

     Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na taktika ito ni Roque para hindi na muling matanong sa kanyang mga isiniwalat sa Quad Comm hearing patungkol sa kanyang mga transaksiyon.

“Kahit hindi pa  po siya nag-a-apply ng asylum sa Netherlands alam naman natin na siya ay hindi na nagpakita sa anumang Quad Comm hearing. Siya ay umalis sa Pilipinas at hindi na bumalik, so ano ba ang ibig sabihin nito? Taktika ito para hindi na siya muling matanong pa sa kaniyang mga isiniwalat sa Quad Comm hearing patungkol sa kaniyang mga transaksiyon,” ang sinabi ni Castro.

Matatandaang, sa Facebook live kasi ni Roque noong March 20, inamin ng abogado na tapos na siyang mag-apply at inaantay na lamang niya ang kanyang interview.

Lahad ni Roque, “Lilinawin ko po na ako po ngayon ay isang asylum seeker dahil nakapag-apply na po ako for asylum.

Ang inaantay ko lang po ay ‘yong kauna-unahang interview na kabahagi na ng application process.”

Dagdag pa niya, hindi na raw siya maaaring pabalikin sa bansa dahil bahagi ito ng kanyang karapatan bilang asylum seeker.

Sey pa ni Roque, “‘Yong mere fact na nag-apply ako, ayan ‘yong nagbigay sa akin ng karapatan na hindi na ako pupuwedeng mapabalik sa Pilipinas.

“Maski pa kumuha sila ng warrant of arrest, mag-file ng extradition eh malinaw po ‘yan dahil ito po ay matter of convention rights.”

Ani Roque, kapag bumalik raw siya sa Pilipinas ay ikukulong siya sa kasong human trafficking na wala naman daw ebidensya.

May arrest order na inilabas ang House quad-committee laban sa dating presidential spokesperson dahil sa hindi na muling pagdalo sa pagdinig kaugnay ng ilegal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operators o POGO.

Ang pagiging “asylum” ay isang legal process kung saan binibigyan ng proteksyon at karapatan ang isang indibidwal na manatili sa ibang bansa sa pangamba sa “persecution” at human rights violations sa sarili nitong bansa.

Samantala, depende naman sa gobyerno ng The Netherlands ang naging sagot ni Castro kung ang affiliation ni Roque kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang dahilan kung bakit hindi naaprubahan ang aplikasyon sa asylum ni Roque sa The Netherlands.

“Depende na po iyan sa gobyerno po ng Netherlands kung ito po ay makakaapekto sa kaniyang petition for asylum,” ang sinabi ni Castro. (Daris Jose)