• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 7:39 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Navotas seniors, unang nakinabang sa Expanded Centenarians Act

ANG mga senior ng Navotas City na edad 80, 85, 90, at 95 ang unang nakatanggap ng tig-P10,000 cash incentive sa ilalim ng ipinasang R.A 11982 o ang Expanded Centenarians Act.
Ayon kay Mayor John Rey Tiangco, maliban sa insentibo ay nakinabang din ang unang batch na 53 senior citizens ng libreng medical check-up, mga gamot, at basic laboratory tests.
Ayon sa National Commission of Senior Citizens, ang Navotas ang unang local government unit (LGU) sa Metro Manila na namahagi ng insentibo.
Binigyang-diin ni Rep. Toby Tiangco, co-author ng Expanded Centenarian Acts, ang kahalagahan ng pagpaparangal sa mga senior citizen na higit pa aniya sa tulong pinansyal.
“Ang ating mga nakatatanda ay nag-alay ng maraming taon ng kanilang buhay para sa kanilang pamilya at komunidad. Nararapat lang na kilalanin at suportahan sila habang sila ay kapiling natin,” ani Cong.Tiangco.
“Hindi lang ito tungkol sa pera kundi pagpapakita ng pagpapahalaga at respeto sa ating mga lolo at lola. Ang bawat benepisyo ay isang pasasalamat sa kanilang naging papel sa ating lipunan,” dagdag niya.
Muling pinagtibay ni Tiangco ang pangako ng gobyerno sa pagpapabuti ng buhay ng mga senior citizen.
Patuloy pa raw sila ni Mayor Tiangco sa npaghahanap ng paraan upang mapabuti ang nalalabi pang buhay ng mga lola at lolo at matiyak na sila ay maalagaan sa kanilang katandaan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11982, ang mga nakatatanda na umabot sa edad 80, 85, 90, at 95 ay makakatanggap ng P10,000, bukod pa sa P100,000 na insentibo para sa mga centenarian. (Richard Mesa)