• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 20, 2025
    Current time: October 20, 2025 10:57 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malabon LGU, naghandog ng ‘Libreng Sakay’ para sa 3-araw na transport strike

NAGHANDOG ang Lokal na Pamahalaan ng Malabon ng walong sasakyan para sa deployment ng libreng sakay upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawahan ng mga commuter sa tatlong araw na transport strike na idinaos ng isang transport group sa bansa mula Marso 24-26.

“Sa mga panahong tulad nito na may transport strike at inaasahang mababawasan ang mga bumabiyaheng sasakyan ay atin pong inihanda ang  Libreng Sakay, upang masiguro na walang maaapektuhan na mga Malabueñong manlalakabay at masiguro ang kanilang kapakanan. Atin pong inaanyayahan ang lahat na agad na makipag-ugnayan sa amin kung may emergency o ibang pang tulong na kailangan,” ani Mayor Jeannie Sandoval.

Kabilang sa mga sasakyang ipinakalat ay 1 bus, 1 APV, 2 L300 Van, 1 truck, at 1 sports utility vehicle (SUV) mula sa General Services Department, 1 Troop Carrier mula sa MDRRMO at 1 tow truck mula sa Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO).

Sinabi ng PSTMO na ang mga sasakyan ay ipapakalat sa mga lugar na higit na maaapektuhan at kung saan iuulat ang mga insidente ng mga stranded na pasahero.

Magtatalaga din umano ang mga miyembro ng Bureau of Fire Protection at Philippine National Police-Malabon ng mga tauhan sa iba’t ibang bahagi ng lungsod para sa pagmomonitor at pagbibigay ng seguridad sa mga residente.

Samantala, magsasagawa rin ng monitoring ang mga barangay officials sa kanilang mga lugar at magpapakalat ng mga available na sasakyan kung kinakailangan.

Sinabi ng PSTMO na titiyakin din ng mga miyembro ng Malabon Jeepney Transport Services (MAJETSCO) na 60 modernong jeepney ang iikot sa lungsod habang ang mga driver at operator ng mga tricycle at minibus ay magpapatuloy sa kanilang operasyon.

Ibinahagi rin nito na ang lungsod ay hindi naapektuhan ng huling apat na transport strike na ginanap ng magkakaibang transport groups noong nakaraang taon.

“Sikisikap po nating hindi mahirapan ang mga manlalakabay sa kanilang pagpunta sa kanilang paroroonan sa loob ng ating lungsod. Paalala po sa lahat na tayo, ang pamahalaang lungsod, ay naririto upang umalalay sa inyo,” pahayag ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)