Iligal na nagbebenta ng wildlife, timbog sa PNP Maritime group
- Published on March 26, 2025
- by people's balita
NALAMBAT ng mga tauhan ng PNP Maritime group ang 29-anyos na lalaki na illegal umanong nagbebenta ng wildlife sa ikinasang entrapment operation sa Valenzuela City, kamakalawa ng hapon.
Ayon kay Northern NCR Maritime Police Station (MARPSTA) Chief P/Major Randy Veran, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa iligal na pagbebenta umano ng suspek na residente ng Barangay Bayugo, Meycauayan Bulacan ng wildlife.
Nang magawang makipagtransaksyon ng isa sa mga tauhan ni Major Veran, ikinasa ng MARPSTA ang entrapment operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek dakong 5:16 ng hapon sa McArthur Highway, Barangay Karuhatan ng lungsod.
Wala rin napakita ang suspek na anumang dokumento na nagpapatunay ng kanyang awtoridad na magmay-ari at magbenta ng wildlife.
Ipinaalam din sa suspek ang kanyang mga karapatan at nakumpiska sa kanya ang isang buhay na Red Eared Turtle.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabas Section 27, para (e) “Trading of Wildlife” of R.A. 9147 (Wildlife Resources Conservation Protection Act). (Richard Mesa)