Valenzuela LGU, nagturnover ng 40 bagong motorsiklo at 25 bagong sasakyan sa VCPS
- Published on March 22, 2025
- by @peoplesbalita
PINANGUNAHAN ni Mayor WES Gatchalian ang turnover ng mga bagong motorsiklo at sasakyan para sa Valenzuela City Police Station (VCPS) at paglulunsad ng Valenzuela Plaka Express o ValPLEX, isang streamlined license plate release initiative katuwang ang Land Transportation Office (LTO), na ginanap sa ALERT Center Parking Grounds and Multi-purpose Hall.
Ani Mayor Wes, nasa P49 milyon ang inalaan ng pamahalaang lungsod para makakuha ng 40 bagong motorsiklo at 25 bagong sasakyan na magamit ng VCPS sa ilalim ng pamumuno ni P/Col. Nixon Cayaban sa pagpapalakas ng presensya ng mga nagpapatupad ng batas sa mga lansangan at mabilis na aksyon laban sa krimen.
Kasabay nito, ipinakilala ni Mayor Gatchalian ang ValPLEX, isang inisyatiba na idinisenyo upang mapabilis ang pagpapalabas ng mga plaka ng sasakyan sa pakikipag-ugnayan sa opisina ni Councilor Sel Sabino-Sy at sa pakikipagtulungan ng LTO na layuning alisin ang matagal na pagkaantala sa pagbibigay ng mga plaka para sa mga motorista.
Ang unang inisyatiba ay nakatuon sa mga sasakyang pag-aari ng gobyerno at ngayon ay para naman sa Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa lunhsod kung saan 2,761 license plates ang naipamahagi sa mga miyembro ng TODA.
Ibinahagi ni Mayor WES ang adhikain ng pamahalaang lungsod na gawing mas ligtas ang lungsod sa pamamagitan ng Valenzuelife campaign nito. Umaasa siya na ang bawat pamilyang Valenzuela ay magkakaroon ng kapayapaan ng isip sa pamumuhay sa lungsod at mabigyan ng buhay na malaya sa anumang panganib.
“Binibigyan po natin ng prayoridad ang peace and order [sa lungsod ng Valenzuela]. Sana po ay dumating panahon na kapag tinawag na Valenzuelife, ay panatag po ang loob ng ating mga anak na galing sa eskwela at mga asawa na galing sa trabaho na sila’y ligtas–na kapag sila’y naglalakad man sa looban ay hindi sila nangangamba dahil visible ang ating kapulisan,” pahayag niya.
Dagdag pa dito, nagbigay dina ng pamahalaang lungsod ng pitong Chikiting Food Patrol vehicles sa CSWDO kung saan pinondohan ito mula sa award ng Seal of Good Local Governance (SGLG) ng lungsod noong 2023.
Ipapakalat ito sa iba’t ibang barangay upang suportahan ang K to 6 feeding programs ng lungsod at labanan ang malnutrisyon ng bata sa pamamagitan ng direktang pagdadala ng masustansyang pagkain sa mga batang benepisyaryo. (Richard Mesa)