• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 1:23 PM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3 Filipino nationals, nasagip ng NBI

NASAGIP ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tatlong Filipino nationals na nagpasaklolo sa ahensya dahil sa pambubugbog sa kanila ng ilang Chinese sa isang scam hub sa Cambodia.

Ayon sa NBI, nakatanggap ang ahensya ng  mensahe at ilang larawan ng mga biktima na humihingi ng tulong kay NBI Director Jaime Santiago at kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr kung saan nagpakita ng mga pasa sa iba’t ibang parte ng kanilang katawan.

Kagyat itong tinugunan ni Dir.Santiago at ipinag-utos na iulat ang usapin sa OIC-Executive Director ng DOJ-IACAT para sa naaangkop na aksyon.

Sa pahayag ng mga biktima sa NBI, nagtungo sila sa Phnom Penh, Cambodia mula Dipolog City noong Enero 7,2025.

Dumaan sila ng Basilan,Tawi-Tawi, Sabah,Malaysia gamit ang ferry bago lumipat sa isang maliit na bangka patungo naman ng Cambodia kung saan sila nakarating noong Enero 17.

Dinala sila sa isang compound na may ilang gusali at hindi pinapayagang lumabas ng kanilang Chinese boss.

Ayon sa NBI, hinikayat silang magtrabaho bilang Customer Service Representatives ng isang Filipino HR ng isang casino company sa Cambodia at inalok ng sahod na P1000USD.

Sa halip na Customer Service Representatives ang kanilang trabaho, ay inatasan silang i-scam ang mga matatandang banyaga sa pamamagitan ng crypto currency sa social media apps tulad ng Signal, Twitter at Instagram.

Bukod pa rito, ang ipinangkong sahod na P1000USD ay naging P300USD na lamang ang kanilang natanggap .

Tinangkang lumipat ng kumpanya ang mga biktima ngunit nang malaman ng amo ay dito na sila sinasaktan ng ilang mga indibidwal na pawang mga Chinese.

Matapos makakalap ng mga kongretong impormasyon at sa pamamagitan ng tamang koordinasyon sa ilang ahensya ng gobyerno , agad kumilos ang NBI at nailigtas ang mga biktima pabalik ng Pilipinas.

Nagpasalamat naman si Santiago  sa Cambodian counterparts  na tumulong sa mga biktima .Ipinunto ni Santiago ang tagumpay ay patunay  ng matibay at walang humpay na pagtutulongan sa pagitan ng dalawang nasyon laban sa transnational crimes. (Gene Adsuara)