• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 23, 2025
    Current time: October 23, 2025 9:08 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Driver na wanted sa carnapping sa Malabon, tiklo

LAGLAG sa selda ang isang family driver na wanted sa kaso ng carnapping matapos madakip ng pulisya sa isinagawang manhunt operation ng pulisya sa Malabon City, kahapon ng umaga.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nitong March 14, 2025 nang maglabas ng warrant of arrest si Presiding Judge Ma. Antonia Linsangan Largoza-Cantero ng Regional Trial Court Branch 291, Malabon City laban sa akusadong si alyas “Joh”, 37, ng Brgy. Niugan para sa paglabag sa R.A 10883 (Anti-Carnapping Law).

Kaagad ipinag-utos ni Col. Baybayan sa kanyang mga tauhan ang paghahanap kay alyas Joh hanggang sa makatanggap ng impormasyon ang mga tauhan  ng Warrant and Subpoena Section (WSS) hinggil sa kinaroroonan ng akusado.

Dakong alas-9:30 ng umaga nang tuluyang masukol ng pinagsamang mga tauhan ng WSS at District Anti-Carnapping Unit ng Northern Police District (NPD-DACU) ang akusado sa kahabaan ng Gov. Pascual Ave, Barangay Acacia.

Ayon kay Col. Baybayan, may inirekomenda namang piyansa ang hukuman na P100,000.00 para sa pansamantalang paglaya ng akusado.

Pansamantalang nakapiit ang akusado sa Custodial Facility Unit ng Malabon police habang hinihintay ang pagpapalabas ng commitment order mula sa hukuman.

Pinuri ni P/Col. Josefino Ligan, Acting District Director ng NPD ang Malabon police sa kanilang hindi natitinag na pangako sa katarungan at seguridad ng komunidad. (Richard Mesa)