Mayor Jeannie, bumisita at nagbigay ng tulong sa mga biktima ng sunog sa Malabon
- Published on March 15, 2025
- by Peoples Balita
KAAGAD bumisita si Malabon City Mayor Jeannie Sandoval at nagbigay ng tulong sa 16 mga pamilya o 69 individuals na naapektuhan ng sunog sa Blk 15, Brgy. Longos, kung saan apat ang napaulat na nasawi.
“Agarang tulong po sa mga naapektuhan ng sunog dito sa Barangay Longos ang inihanda at inihatid sa kanila. Inalam din po natin ang kanilang mga pangangailangan matapos ang hindi inaasahang insidenteng ito. Ngunit, sa kabila ng trahedyang ito, ay naririto ang pamahalaang lungsod para umalalay at siguruhing nasa mabuti silang kalagayan. May pag-asa para sa pagbangon ng bawat isa,” pahayag ni Mayor Sandoval.
Namahagi ang pamahalaang lungsod ng mga food packs na naglalaman ng bigas, noodles, kape, tubig, mga de-lata, hygiene kits at iba pang non-food items para sa mga apektadong pamilya na nananatili sa Longos Multi-Purpose Hall at Longos Disaster Building.
Nauna rito, nabigay ang mga tauhan ng City Social Welfare and Development Department (CSWDD) ng maiinit na pagkain sa mga nasunugan bilang bahagi ng paunang ayuda. Nagtayo din ng mga modular na tolda para ma-accommodate ang mga pamilyang lumikas.
Sa ulat ng Malabon City Fire Station (MCFS), itinaas sa unang alarma ang sunog dakong alas-3:45 ng madaling araw na idineklarang under control pasado alas-4:50 ng umaga at ganap na naapula ang apoy alas-6:52 ng umaga.
Apat na ang napaulat na nasawi sa sunog na kinabibilangan ng tatlong magkakapatid at kanilang pamangkin habang nagsagawa na ng rapid needs assessment ang CSWDD para matukoy ang mga kinakailangan ng mga apektadong residente, kabilang ang mga pamilya ng mga nasawing biktima.
“Sa nangyaring insidenteng ito, pagkakaisa ang ating nais ipaalala sa bawat Malabueño. Mayroon mang naapektuhan ng sunog, nawa’y maipadama natin sa bawat biktima ang kalinga at pagtulong. Sa pamumuno ng ating Mayor Jeannie Sandoval, patuloy rin ang ating paalala sa mga mamamayan na mag-ingat lalo na ngayong Fire Prevention Month,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete.
Pinaalalahanan ng pamahalaang lungsod ang mga residente na laging tanggalin sa saksakan ang mga electronic device at appliances bago umalis sa kanilang mga tahanan, iwasan ang mga ilegal na koneksyon ng kuryente at tiyaking hindi maabot ng mga bata ang mga nasusunog na materyales upang maiwasan ang mga insidente ng sunog. (Richard Mesa)