• October 23, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 24, 2025
    Current time: October 24, 2025 12:00 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

CAR-FREE SUNDAYS SA MARIKINA CITY

Ang Lungsod ng Marikina ay para sa pamilya, komunidad, kalikasan, at pag-unlad.

Ito ang isinusulong ng programang kamakailan lamang ay inilunsad ni Mayor Marcy Teodoro kasama si Cong. Maan Teodoro — ang Car-Free Sundays sa Lungsod ng Marikina.


Sa Car-Free Sundays, pansamantalang isinasara sa motorista tuwing araw ng Linggo mula 6:00 hanggang 10:00 ng umaga ang tinatayang 650 metrong bahagi ng Gil Fernando Ave. upang mapawi ang polusyon sa hangin at maging isang ligtas at maaliwalas na lugar ito kung saan ang buong pamilya ay maaaring maglakad, magjogging, magbisikleta, magZumba, o kumain.


Sa paglulunsad ng Car-Free Sundays noong Marso 2, 2025, tinatayang may 3,000 joggers, 300 bikers, at 300 zumba participants ang lumahok na kinabibilangan mga pami-pamilya, magkakaibigan, magbabarkada at maging mga alagang hayop tulad ng aso o pusa na hindi lamang mula sa Lungsod ng Marikina bagkus ay mula pa sa mga karatig-lungsod o bayan.

Ang Car-Free Sundays ay isa ring paraan upang suportahan ang mga kainan at negosyo sa Gil Fernando Ave.  sapagkat ipinaglalapit nito ang mga prospective customers na lumalahok at mga restaurants na naghahain ng mga pagkaing pang-almusal, brunch (breakfast+lunch), at iba pang putaheng pasado sa panlasa ng publiko. Sa kasalukuyan, mayroong 42 restaurants ang matatagpuan sa kahabaan ng kalsada para sa Car-Free Sundays.



“Ang Car-Free Sundays ay higit pa sa pagsasara ng kalsada. Ito ay pagbubukas ng mas ligtas, mas maaliwalas, at mas makataong espasyo para sa lahat. Ang Marikina ay isang lungsod na itinatag ng kanyang mga mamamayan. Matatag tayo dahil tayo ay sama-sama, nagmamalasakit, at nagtutulungang lumikha ng mas magandang kinabukasan. Sabay-sabay tayong kumilos. Sabay-sabay din tayong uunlad. Halina’t maging bahagi ng level-up Marikina na para sa lahat. Together, Marikina tayo!” wikang paanyaya ni Mayor Marcy.


Samantala, sa kalapit na kalsada ng Gil Fernando Ave. na Bayan-Bayanan Access Road ay mamamalas naman ang nakamamanghang pinta ng mga artist na pinagsama-sama sa isang Mural na tinatayang may habang 100 metro.

Ang Mural ay nagpapakita ng mga kilalang lugar, karakter at personalidad sa kasaysayan, kultura, at paniniwala ng mga taga-Marikina.

Kabilang sa mga pintor na nagpamalas ng husay sa Mural ay nagmula sa Linangan Art Residency, Art Wednesday, at iba pang mga alagad ng sining na inanyayahang maging bahagi ng proyekto.