• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Obrero na humataw ng tubo sa ulo ng katrabaho, kalaboso

HIMAS-REHAS ang 37-anyos na construction worker nang hatawin ng tubo sa ulo kasamahan sa trabaho matapos ang mainitang pagtatalo habang nag-iinuman sa Malabon City.
Ani Malabon police chief P/Col. Jay Baybayan, nahaharap sa kasong frustrated homicide at threat ang suspek na si alyas “Cesar”, stay-in sa construction site sa Estanio St. Brgy. Tugatog.
Sa kanyang ulat kay NPD Acting District Director P/Col. Josefino Ligan, sinabi ni Col. Baybayan na habang nag-iinuman ang biktimang si alyas “Ronie”, 45, ng Bicol Area St. Brgy. Tanza 2, Navotas at suspek, kasama ang isa pa nilang kasamahan na si alyas “Maximo”, 26, sa construction site dakong alas-11:30 ng gabi nang mauwi sila sa pagtatalo.
Sa kainitan ng pagtatalo, biglang dumampot ng bakal na tubo ang suspek at hinataw sa ulo si alyas Ronie na duguang napahandusay at isusunod sanang hatawin si alyas Maximo subalit, nakatakbong palabas para humingi ng saklolo.
Nagkataong nagpapatrulya sa lugar ang mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station-2 na agad namang rumesponde sa lugar na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at pagkakakumpiska sa ginamit niyang bakal na tubo habang isinugod naman ang biktima sa Tondo Medical Center para magamot tinamong sugat sa ulo. (Richard Mesa)