Malabon LGU, nagpatupad ng real property tax amnesty sa delinquent taxpayers
- Published on March 7, 2025
- by Peoples Balita
NAGPATUPAD ang Pamahalaan ng Lungsod ng Malabon ng ordinansa na nagbibigay ng real property tax amnesty para sa delinquent taxpayers, na nagpapahintulot sa kanila na bayaran ang kanilang hindi nababayarang buwis, sa hangarin pagandahin ang revenue collection at palakasin ang ekonomiya ng lungsod.“Sa pamamagitan ng amnestiyang ito, makapagbibigay tayo ng tulong sa mga taxpayers sa lungsod sa pagbabayad ng kanilang amilyar. Ito ay makakabawas sa kanilang mga alalahanin at magbibigay daan upang magpatuloy sila sa iba pa nilang mga dapat asikasuhin para sa kapakanan ng kanilang mga pamilya. Sa paraang ito, mas mapapadali ang pagbabayad ng buwis sa lupa at iba pang singil na kailangan, na makikinabang ang ating mga mahal na Malabueno habang pinapabuti ang ekonomiya ng lungsod,” said Mayor Jeannie Sandoval.
Ang Ordinansa Blg. 02-2025 (Malabon Real Property Tax Amnesty Ordinance of 2024) ay nag-aalok ng pagbawas sa interes, mga multa, at surcharge sa hindi pa nababayarang real property taxes, kabilang ang sa Special Education Fund, idle land tax, at iba pang espesyal na buwis.
Maaaring magamit ng delinquent taxpayers ang amnestiya sa pamamagitan ng isang beses na pagbabayad o installment payments na sumasaklaw sa kanilang overdue na real property taxes, interes, surcharge, at pinalties.
Ipinaliwanag ng pamahalaang lungsod na ang taxpayers na nagbabayad ng buo sa kanilang mga dapat bayaran sa pamamagitan ng isang beses na pagbabayad sa Enero, Pebrero, at Marso 2025 ay may 100% bawas sa lahat ng interes, multa, at surcharge habang 80% bawas ang ibibigay sa mga magbabayad sa Abril, Mayo, at Hunyo 2025.
Para sa ikatlong quarter ng 2025 (Hulyo – Setyembre), ang taxpayers ay may 60% bawas, habang sa ikaapat na quarter (Oktubre – Disyembre) ay may 40% amnestiya.
Ang taxpayers na piniliing magbayad ng installment ay may 40% na bawas sa kanilang natitirang interes, mga multa, at mga surcharge.
Gayunpaman, ang amnestiya ay hindi nalalapat sa properties na na-auction na sa ilalim ng Local Government Code, ang mga napapailalim sa kompromiso, o properties na sangkot sa patuloy na pag-aayos o hindi pagkakaunawaan tungkol sa real property taxes.
Para mag-aplay sa amnestiya, ang taxpayers ay kailangang mag-pill out sa isang application form na makukuha sa City Assessment Department (CASSD) sa ika-3 palapag ng Malabon City Hall at isumite ang kanilang Real Property Tax Order of Payment (RPTOP) at Statement of Account para sa tamang pagsusuri.
Nilinaw ng pamahalaang lungsod na ang mga nakapagbayad na ng kanilang interes, penalty, at surcharge bago ang paglabas ng ordinansa ay maaari pa ring mag-apply para sa tax credit, na ibabawas sa mga buwis na dapat bayaran sa susunod na taon.
Sinabi ni City Administrator Dr. Alexander Rosete na ang pagpapabuti ng ekonomiya habang tinutulungan ang mga mamamayan ay prayoridad ng pamahalaang lungsod, kabilang na ang mga nagbabayad ng buwis.
“Makakaasa po ang bawat Malabueno na ang ating pamahalaan ay patuloy sa pagbubuo ng mga batas at programa para sa kasiguraduhan ng magandang bukas para sa lahat,” dagdag niya. (Richard Mesa)