Malakanyang, ikinatuwa ang pagbaba ng 2024 Budget Deficit
- Published on March 5, 2025
- by Peoples Balita
IKINATUWA ng Malakanyang ang pagbaba ng budget deficit ng bansa noong nakaraang taon at iniuugnay ang pagkabawas sa epektibong pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at pagsisikap ng economic team ng administrasyon.
“Magandang balita ang ibinahagi ng Department of Budget and Management. Dahil sa epektibong pamumuno ni Pangulong Marcos Jr., bumaba sa 5.7 percent o 1.5 trillion pesos ang budget deficit ng bansa nitong 2024,” ang sinabi ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro sa press briefing.
“Pinakamababa ito mula noong taong 2020. Nagpakita ng mabuting pagtatrabaho ang economic team ng administrasyon. Umabot naman sa 16.72 percent ng GDP (gross domestic product) or 4.4 trillion pesos ang government revenues sa nakaraang taon,” dagdag na wika nito.
Nangyari ang budget deficit nang malampasan ng government expenditures ang kinikita nito.
Ito ay pangunahing indicator ng financial health ng bansa, higit sa lahat tungkol sa ‘government spending at income.’
Kamakailan lamang ay napaulat na bumaba ang budget deficit ng bansa noong 2024 sa ₱1.5 trillion ayon sa Bureau of Treasury (BTr).
Sa inilabas na datos ng BTr, bumaba sa 5.70% ng gross domestic product (GDP) ang fiscal deficit noong 2024 mula sa 6.22% noong 2023.
Samantala, umabot sa ₱4.419 trilyon ang kabuuang kita ng gobyerno noong 2024, mas mataas kaysa sa target na ₱4.270 trilyon. Katumbas ito ng 16.72% ng GDP, ang pinakamataas sa nakalipas na 27 taon mula 1997.
Ang paglago ng kita ay dahil sa mas mataas na non-tax revenue collections.
Sa buwan ng Disyembre, lumago ng 20.99% ang koleksyon ng gobyerno sa ₱314.7 billion, bunsod ng mas malakas na non-tax revenue performance.
Sa kabuuang koleksyon, 86.01% o ₱3.801 trilyon ay mula sa buwis, habang ang natitirang 13.99% o ₱618.3 billion ay mula sa non-tax sources.
Lumago ng 13.29% ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ₱2.852 trillion habang, umabot sa ₱916.7 billion ang koleksyon ng Bureau of Customs (BOC). (Daris Jose)