Samgyupsal, hinoldap ng 2 riding-in-tandem
- Published on March 5, 2025
- by Peoples Balita
PINAGHAHANAP ng pulisya ang apat na kalalakihan na magkakangkas sa dalawang motorsiklo na nangholdap sa isang Samgyupsal Restaurant at tumangay ng P5,000.00 cash at mga cellphone sa Bacoor City, Cavite Lunes ng gabi.
Inilarawan ang mga suspek na magkaka-angkas sa dalawang motorsiko, isa dito ay isang Honda Click na may box na nakasuot ang driver nito ng pulang jacket itim na panton at puting helmet habang ang angkas nito ay nakasuot ng brown na hoody, itim na pantalon at naka-bonnet habang ang isa ay isang itim na Honda Beat kung saan ang driver nito ay nakasuot ng itim na T-shirt, maong pants, puting sapatos itim na half face na helmet at ang angkas nito ang nakasuot ng itim na hoody na may puting stripes sa torso, naka-face mask at itim na pantalon at sapatos.
Sa salaysay ng mga biktima na sina Cristine,20, Sherly,21, Princess, 35, Nico, 23 at Albert, 21, pawang mga service crew na pumasok ang apat na suspek bandang alas-6:30 kamakalawa ng gabi sa Castillo House of Unlimited (Samgyupsal) sa Molino Road, Brgy. Ligas 1, Bacoor City, Cavite at nagpanggap na mga customer.
Pagkapasok ng mga suspek, naglabas ng di nabatid na kalibre ng baril, nagdeklara ng holdap at tinangay ang P5,000.00 cash at mga cellphone ng mga service crew.
Matapos nakuha ang gusto, tumakas ang mga suspek sakay ng dalawang motorsiklo sa direksiyon ng Las Piñas.
Nagsasagawa ng backtracking ang pulisya sa CCTV sa dinaanan ng mga suspek at pagkakakilanlan sa mga ito. (Gene Adsuara)