• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Utos ni DOTr Sec. Dizon, agarang pagsibak sa mga enforcer na sangkot sa insidente sa Panglao, Bohol

INIUTOS ni Transportation Secretary Vince Dizon ang agarang pagpapatanggal sa limang tauhan ng Land Transportation Office (LTO) na sangkot sa hindi makatarungang pagtrato sa isang motorcycle rider sa Panglao, Bohol noong Biyernes.

 

“Simula ngayong araw, tinatanggal na natin sa serbisyo ang mga enforcer na sangkot sa insidente sa Panglao, Bohol,” pahayag ni Sec. Dizon sa isang press conference nitong Lunes sa tanggapan ng LTO.

 

“Sila ay agad nating tinatanggal sa serbisyo. Hindi na natin kailangang patagalin pa ito,” dagdag niya.

 

Binigyang-diin ng kalihim na hindi kukunsintihin ng Department of Transportation (DOTr) ang anumang pang-aabuso sa kapangyarihan ng mga tauhan nito. Ani niya, malinaw ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bilang mga lingkod-bayan, ang mga kawani ng gobyerno ay “tagapaglingkod ng mamamayan at hindi kanilang mga Panginoon.”

 

Inatasan ni Sec. Dizon si Assistant Secretary for Road Transport Jojo Reyes na personal na magsagawa ng imbestigasyon hinggil sa insidente.

 

“Wala pong magja-justify sa nakita nating harassment na ipinakita ng ating mga law enforcers,” giit ni Sec. Dizon.

 

Ayon kay Asec. Reyes, naospital ang 57-anyos na magsasaka dahil sa insidente.

 

Samantala, inatasan din ni Sec. Dizon ang pagbuo ng isang task force upang magsagawa ng “sweeping review” sa paggamit ng motorsiklo ng mga enforcer ng LTO at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).

 

Aniya, posibleng may mga patakaran at regulasyong kasalukuyang ipinatutupad na nagiging sanhi ng pang-aabuso ng ilang enforcer sa paghuli ng mga lumalabag sa batas.

 

“Kailangan po nating repasuhin ang current na mga regulasyon kasi baka ito ang nagiging source ng abusive behaviors ng ilan sa ating enforcers,” paliwanag ni Sec. Dizon.

 

Pangungunahan ni Asec. Reyes ang nasabing task force. (PAUL JOHN REYES)