• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Kidnappers ng Chinese student, nabibilang sa POGO ‘muscle group’ — PAOCC

SINABI ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na ang mga kidnapper ng Chinese student ay di umano’y nabibilang sa “muscle group” ng illegal Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

 

“Muscle group po yan but, of course, tinitingnan pa rin yan, ine-imbestigahan yan. Syempre iche-check pa ‘yung mga involved,” ayon kay PAOCC executive director Gilbert Cruz sa isang panayam.

 

Ang paliwanag pa ni Cruz, ang muscle group ay binubuo ng retired military personnel na kinuha ng POGOs para mangidnap, manakit, magbanta at pumatay ng tao kapalit ng pera o kanilang demands.

 

 

“Yan ‘yung muscle nila. Pag may atraso sa POGO management, ito mag kikidnap sayo, ito-torture ka, ipakita ‘yung video sa pamilya para magbayad ng atraso mo,” ayon kay Cruz.

Batay sa report ng Anti Kidnapping Group, dinukot ang batang tsino dahil sa utang ng ama na dating sangkot sa POGO operations na napasara noong Disyembre 2024.

Nangyayari ngayon na binibiktima ng mga Chinese ang kanilang kapwa Chinese.

 

 

Samantala, nilinaw ng PNP na walang ransom na ibinayad sa mga kidnaper at fake news anila ang naglabasang ulat na nagkabayaran ng $20 milyon para sa kalayaan ng biktima.  (Daris Jose)