Abalos, itinalagang ambassador ng safety ng riders
- Published on March 4, 2025
- by Peoples Balita
ITINALAGA ng dalawang grupo ng motorcycle riders si Senatorial candidate Benjamin “Benhur” Abalos Jr., sa layuning isulong ang mas ligtas na kalsada para sa mga nagmomotorsiklo at mga gumagamit ng tatlong-gulong na sasakyan.
Sa ginanap na forum kinilala ng Motorcycle Philippines Federation at Motorcycle Road Safety Warriors si Abalos sa kanyang malawak na karanasan sa serbisyo publiko at dedikasyon sa pamamahala ng trapiko.
“As a leader who has long advocated for road safety, we believe that Benhur Abalos is the right person to champion the welfare of motorcycle and three-wheeled riders,” sinabi ng grupo sa isang joint statement. “We trust that he will work towards policies that protect and benefit riders across the country,” anang motorcycle groups.
Binigyang-diin nina Abalos at ng mga grupo ang agarang pangangailangan para sa mas mahigpit na mga hakbang sa kaligtasan sa kalsada, kasabay ng pagtaas ng bilang ng mga aksidenteng may kinalaman sa mga motorsiklo.
Samantala, batay sa datos ng PNP-Highway Patrol Group, may 31,258 aksidente sa kalsada na naitala sa buong bansa noong 2024. Sa bilang na ito, 15,690 ay may kinalaman sa motorsiklo, habang 4,224 ang sangkot ang mga traysikel.