Kidnappers ng estudyante, dating sangkot sa POGO -Remulla
- Published on March 1, 2025
- by Peoples Balita
SINABI ni Interior Secretary Jonvic Remulla na ang sindikatong sangkot at nasa likod ng kidnapping sa isang international student sa Taguig City ay kabilang sa operasyon ng dating Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).
”We are definite na ang sindikato na nasa likod ng kidnapping ay former operators ng POGO rin. We are definite na ang perpetrators ay ginamit ang kanilang former bodyguards na AWOL na ngayon sa serbisyo ng AFP at PNP,” ang sinabi ni Remulla sa press briefing sa Malakanyang.
Sa ulat, nailigtas ng mga awtoridad sa Parañaque City ang isang 14-anyos na Chinese student na dinukot dahil sa kaniyang posibleng kaugnayan sa POGO.
Sinabing sinagip ng mga tauhan ng Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group ang binatilyong Chinese na nag-aaral sa isang exclusive school.
Pebrero 20 nang dukutin siya paglabas ng kaniyang paaralan sa Bonifacio Global City sa Taguig.
Martes ng gabi nang masagip ang estudyante sa Parañaque.
Sinabi Remulla na ang kidnapping incident ay POGO-related.
”Ito ay resulta ng POGO. We suspect na ang biktima ay galing sa pamilya na nag-ooperate ng POGO dati,” ang winika pa rin ni Remulla.
Tinuran ni Remulla na ang mga perpetrator ng krimen ay nananatili pa rin sa bansa.
”We will make sure that they will be neutralized at the soonest possible time,” ang tinuran pa rin ni Remulla.
Samantala, sinabi ni Remulla na natagpuang patay ang driver ng bata sa ibang sasakyan.
May ilang piraso rin ng ebidensiya ang na-recover sa sasakyan.
At nang tanungin kung ano ang motibo ng kidnapping, sinabi ni Remulla na ang lahat ng ito ay tungkol sa pera.
Patuloy naman ang ginagawang manhunt operations ng mga awtoridad para sa mga salarin ng krimen. (Daris Jose)